Ang Cinema 2 ng Robinson’s Galleria ang venue ng grand launch ng GXT Plus noong Biyernes.
Ang GXT Plus ang fastest growing company na may 240,000 members o traders.
Tinanggap namin ni Benjie Paras ang offer na maging endorsers ng GXT Plus kaya dumalo kami sa launch na ginanap noong Biyernes.
Inabot nang gabi ang event pero naging pabor sa akin dahil dumiretso ako sa burol ni Kuya Germs (German Moreno) sa Mount Carmel Shrine sa New Manila, Quezon City.
Madaling puntahan ang Mount Carmel Shrine kaya hindi na ako nagulat nang makita ko ang maraming tao na nakikiramay sa mga naulila ni Kuya Germs at sa mga nag-uusyoso lang sa pagdating ng mga artista.
Naabutan ko sa lamay para kay Kuya Germs sina Susan Roces, Carmina Villarroel, Zoren Legaspi, Gelli de Belen, ang cast ng Walang Tulugan at marami pang iba.
Nandoon din si Papa Ricky Lo na matiyagang naghintay kay Federico Moreno, ang anak ni Kuya Germs.
Ininterbyu ni Papa Ricky si Federico at napanood ito kahapon sa CelebriTV.
Kausap ni Papa Ricky si Manay Ichu Maceda nang makita ko sila sa isang function room ng Mount Carmel Shrine.
Binabantayan ni Manay Ichu ang pag-aayos sa napakagaganda na Ecuadorian roses na binili niya para kay Kuya Germs na itinuturing nila na kapamilya dahil ang Sampaguita Pictures na pag-aari ng pamilya ni Manay Ichu ang mother studio noon ng Master Showman ng local showbiz.
Narinig ko na nauna nang dumating sina Nora Aunor at AiAi delas Alas sa burol ni Kuya Germs pero hindi na kami nagpang-abot.
In full force ang GMA 7 staff sa Mount Carmel Shrine dahil sa meeting nila para sa live telecast kagabi ng Walang Tulugan.
Pinag-uusapan din nila ang pagdadala sa labi ni Kuya Germs sa GMA 7 studio pero hindi pa final kung kailan.
Nakaantabay rin sa burol ni Kuya Germs ang mga reporter at OB van ng GMA 7, TV5, ABS-CBN at ang Quezon City Police.
Kung nasaan man ngayon si Kuya Germs, sure na sure ako na maligayang-maligaya siya sa rami ng mga tao na nagmamahal sa kanya at nagpunta sa unang gabi ng burol niya.
Asahan natin na madaragdagan pa ang mga darating para makiramay sa naulilang pamilya ni Kuya Germs.
Nakita ko rin sa lamay para kay Kuya Germs ang kanyang talent na si Jake Vargas.
Halata sa hitsura ni Jake na affected siya sa pagkawala ng kanyang mentor at manager.
Dahil sa tulong ni Kuya Germs, natupad ang dream ni Jake na makapasok sa showbiz. Ang pag-aartista niya ang naging daan para makatulong siya sa kanyang pamilya.
Si Kuya Germs at ang GMA Artist Center ang namamahala sa career ni Jake. Tiyak na ipagpapatuloy ng GMAAC ang pag-aalaga kay Jake kahit sumakabilang-buhay na ang kanyang Tatay Germs.
Makukulay na damit ni Kuya Germs, sino kaya ang magmamana?!
Bago ako nagpunta sa press launch ng GXT Plus, nag-taping muna ako para sa episode ng CelebriTV na ipinalabas kahapon.
Tribute kay Kuya Germs ang buong episode ng CelebriTV kaya bumaha ang luha dahil sa mga testimonya ng mga nagmamahal kay Kuya Germs at sa mga artista na natulungan niya.
Malungkot ang atmosphere sa studio ng CelebriTV noong Biyernes at para mabawasan ang pagdadalamhati ng mga tao, nagtanong ako kung sino ang mga magmamana ng mga makukulay na damit ni Kuya Germs.