PIK: Ang pagpipinta ngayon ang pinagkakaabalahan ni Heart Evangelista at ang latest nga ay ang collaboration nila ng designer na dating racer na si Mark Bumgarner.
Magkakaroon ng fashion show si Mark sa January 18 na gaganapin sa Dusit Thani Hotel sa Makati. Ang partisipasyon doon ni Heart ay pininta niya ang labinlimang gowns na irarampa ng mga model ni Mark.
May dalawa pang gown doon na ipapa-auction. Ang kikitain ng naturang auction ay mapupunta sa paboritong beneficiary niyang Corridor of Hope Foundation at Thalassemia International Association.
Natutuwa si Heart kay Sen. Chiz Escudero na sobrang suporta raw itong pinagkakaabalahan niya.
“He’s very supportive. Minsan, kasi sobrang dami niyang meetings in a day. So, para magkita lang kami, magmi-meeting siya sa bahay.
“Habang nagmi-meeting siya dun no matter how serious he is, nandun kami sa gilid nagpi-paint kami. Hindi siya naguguluhan kahit may music kami. He wants na may time na magkasama kami kahit lagi siyang busy basta magkasama kami,” pahayag ng Kapuso actress.
Medyo matagal-tagal pa sigurong makabalik sa trabaho si Heart dahil magiging abala rin siya sa pangangampanya sa kandidatura ni Sen. Chiz.
PAK: Pagkagaling sa ilang linggong bakasyon sa Amerika, diretso kaagad si AiAi delas Alas sa shoot ng CelebriTV na nagkaroon ng special tribute sa pagpanaw ni Kuya Germs.
Ang anak niyang Sancho delas Alas ay diretso rin sa presscon ng bagong afternoon drama na Wish I May.
Doon ikinuwento ni Sancho na itong nakaraang Pasko at Bagong Taon ang pinakamasaya nilang selebrasyon dahil kumpleto silang lahat at si AiAi raw ang luto nang luto ng handa nila.
Nanghinayang lang daw sila dahil hindi nakasama ang bunsong kapatid nila na adopted son ni AiAi. Binawi raw ang US Visa nito, at hindi na raw sila nagkaroon ng oras na ayusin pa ito. Kaya naiwan daw ang bunsong kapatid nila sa bansa.
BOOM: Nagluksa ang buong movie industry sa biglaang pagpanaw ni German Moreno.
Nagkaroon lang ng confusion sa pag-announce ng pagpanaw ni Kuya Germs kahapon ng madaling araw dahil hindi kaagad ito kinumpirma ng kanyang pamilya.
Ayon sa nakuha naming kuwento, around 7 ng umaga ay inatake raw ang Master Showman at kaagad isinugod ito ng hospital.
Doon pa lang daw ay nalagutan na ng hininga, pero pagdating ng hospital ay na-revive pa raw siya. Kaya lang nag-deteriorate din daw ang kalagayan nito hanggang gabi.
Bandang ala-una ng madaling araw ay nag-post na si Jake Vargas na namaalam na ang Tatay Germs niya, pero hindi pa muna ito kinumpirma ng pamilya.
Pasado alas-kuwatro ng madaling araw na in-announce ni John Nite na 3:20 ng umaga na talaga nalagutan ng hininga si Kuya Germs.
Isa sa apektado nang husto ay si Jake na walang tigil sa kaiiyak nang nakausap namin kahapon.
Pupunta pa dapat ito ng GMA 7 para sa taping ng Walang Tulugan, pero kinansel na ito.
Wala pang final announcement kung kailan ang libing ni Kuya Germs. Pero baka sa Miyerkules daw ay dadaan ang labi ni Kuya Germs sa GMA 7.