MANILA, Philippines – Ngayong Sabado sa Magpakailanman, gagampanan nina Ms. AiAi delas Alas at Ms. Snooky Serna ang dalawang uri ng ina na susubukin ng isang rebeldeng anak.
Dahil hindi kaya ni Mercy na alagaan ang mga anak ay ipinaampon niya sa kanyang hipag na si Lourdes ang isa sa mga ito, si Shirlyn.
Matagal nang naghahangad na magkaroon ng anak na babae si Lourdes kaya’t ibinigay niya ang lahat ng pangangailangan at kagustuhan ni Shirlyn. Kapitbahay lang ni Mercy sina Lourdes kaya hindi din nalayo si Shirlyn sa tunay na ina. Pero buong pagkabata ni Shirlyn ay inilihim sa kanya nina Lourdes at Mercy ang pagiging ampon.
Naging mahirap para kay Shirlyn na tanggapin ang katotohanan. Nagbago ang ugali nito. Natuto itong magbisyo, bumarkada at maglayas. Hindi na rin ito nakatapos ng pag-aaral. Inintindi siya ni Lourdes pero naging istrikto naman si Mercy.
Lalong naging mahirap ang sitwasyon para kina Mercy at Lourdes nang umibig na si Shirlyn. Nalaman nilang buntis ito at hindi na nila napigilang makisama sa nobyo nitong si Randy. At dahil bata pa ay hindi agad nila naipakasal ang mga ito. Hindi naging maganda ang pagsasama nina Shirlyn at Randy.
Madalas umuwi si Shirlyn kay Mercy at Lourdes na puro pasa dahil sa pambubugbog ni Randy. Sa kabila ng mga payo ng dalawang ina, sumuko si Shirlyn at tinuldukan ang sariling buhay.
Paano tatanggapin nina Mercy at Lourdes na sa kabila ng ibinuhos nilang pagmamahal kay Shirlyn, ay nagawa nitong wakasan ang sariling buhay? Sino ang sumobra? Sino ang nagkulang?
Huwag palampasin ang madramang pagganap nina AiAi delas Alas at Snooky Serna sa isang kuwento na kukurot sa puso ng bawat ina. Kasama rin sina Jhoanna Marie Tan, Emilio Garcia, Allan Paule, Jak Roberto, Jim Pebanco, at Bryan Benedict sa direksyon ni Joel C. Lamangan.