Cristine may problema na naman sa pamilya?! Imbestigasyon ng Kongreso sa pelikula ni John Lloyd sisimulan na

PIK: Diringgin na ng kongreso ang reklamo ng kampo ng pelikulang Honor Thy Father tungkol sa pagka-disqualify sa Best Picture category.

Ito ‘yung resolution na ipinasa ni Cong. Dan Fer­nandez pagkatapos ng awards night.

Sa Lunes ng hapon ang Congress meeting na gaganapin sa Ramon V. Mitra Bldg. na kailangang daluhan ng kampo ng naturang pelikula. Hindi pa raw makumpirma kung dadalo rin si John Lloyd Cruz bilang suporta sa kanilang ipinaglalaban.

PAK: Itinatanggi ni Cristine Reyes sa presscon ng pelikula niyang Lumayo Ka Nga sa Akin, ang isyung ‘di raw boto ang pamilya niya lalo na si Mommy Klenk sa pakakasalan niyang si Ali Khatibi.

Wala ang pamilya nina Cristine at Ali sa kanilang civil wedding na gaganapin sa isang beach resort sa January 27, kaya lalong napagdudahang may conflict sa kanilang pamilya.

“Wala naman po. Okay naman kami. Last Christmas magkakasama kami lahat. Every time pumupunta naman ang family ko sa bahay, dumadalaw sila,” pahayag ni Cristine.

Naintindihan naman daw ng pamilya niya na hindi muna sila kasali sa kanilang civil wedding dahil gusto lang nilang ma-legalize ang pagsasama nila ni Ali. Sa big wedding nila na maaring sa taon ding ito na lang magiging bahagi ang kanilang pamilya at malalapit na kaibigan.

BOOM: Maraming followers si AiAi delas Alas ang nag-react sa ipinost niya sa kanyang Instagram account nung kamakalawa lang.

“I’d rather be honest than impressive.” At meron pang, “Integrity is telling myself the truth. And honesty is telling the truth to other people.”

Sa caption nito ay may hashtags na #lamkonato at #honestyisthebestpolicy.

Halos iisa ang duda ng mga followers na may kaugnayan ito sa ibinalita ng ABS-CBN 2 na number one na ang Beauty and the Bestie at nalagpasan na ang My Bebe Love.

May mga nag-react na kagagawan raw talaga ito ng kabilang istasyon na pinanggalingan naman ng Comedy Queen.

May ilan ding nang-bash kay AiAi na obviously ay hindi maka-AlDub. Sinasabihan itong tanggapin na ang pagkatalo sa pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin.

Hanggang ngayong araw na lang ang Metro Manila Film Festival (MMFF) at patuloy pa rin ang suporta ng AlDub Nation kaya kumpiyansa silang ang My Bebe Love talaga ang number one sa box-office.

Abangan na lang natin ang official announcement ng MMFF kung ano talaga ang box-office results ng filmfest.

Show comments