Malapit nang mapanood sa Kapamilya network ang teleseryeng Be My Lady na pagbibidahan ng magkasintahang sina Erich Gonzales at Daniel Matsunaga. Ayon kay Erich ay magaling na artista si Daniel kahit baguhan pa lamang ito sa showbusiness. “Nakikita ko naman sa kanya na gusto talaga niya ‘to. So siyempre madali na lang naman sa kanya kahit bago siya. Kahit hindi siya sanay sa ganito but magaling siya,” bungad ni Erich.
Marami raw makaka-relate na Pinoy sa istorya ng kanilang bagong soap opera. “Kwento po nito, kung ano bang mga hadlang sa pag-ibig, ‘yung language, ‘yung culture,” pagbabahagi ni Erich.
Mas lalo pa ngayong nakikilala ng magkasintahan ang isa’t isa dahil halos araw-araw silang magkasama sa trabaho. Maswerte rin daw sina Erich at Daniel dahil napagsasabay nila ang trabaho at ang kanilang bonding bilang magkasintahan. Para kay Daniel ay mas gumaan ang kanyang trabaho ngayon dahil ang mismong kasintahan ang kanyang katambal sa serye. “Masaya siyempre, it’s even easier kasi nandito ‘yung girlfriend ko para sa akin. Super masaya kami, at least we get to spend time with each other and at the same time we are enjoying our days sa taping kahit sobrang init sa Pampanga. Super enjoy kami and it makes us easier,” nakangiting pahayag ni Daniel.
Pamilya ng bf ni Pokwang, uuwi na rin sa ‘Pinas
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakapagdiwang ng kapaskuhan sa Pilipinas ang kasintahan ni Pokwang na si Lee O’Brian. May bulung-bulungan na nalalapit na raw ang pagpo-propose ng kasal ni Lee sa aktres lalo pa’t nagbabalak na ring pumunta sa bansa ang pamilya ng foreign actor ngayong taon. “Hopefully, we’re trying to get time for them, as well as myself. So we could have a good trip and enjoy,” pahayag ni Lee.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay nasaksihan din ng aktor kung gaano kasaya ang Metro Manila Film Festival (MMFF) sa bansa.
Sumama si Lee sa parada kay Pokwang bilang pagsuporta sa pelikulang All You Need is Pag-ibig kung saan kabilang ang aktres. “I think it’s really cool that the Filipinos are taking pride in their movie making. I know a lot of people are involved in various films and in any theater where there are lot of American films, to be able to celebrate the Filipino films, the talent, the production abilities in the country, it’ great,” giit ng aktor.
Itutuloy na kaya ni Lee ang kanyang pag-aartista sa Pilipinas ngayong natapos na ang kanyang proyekto kamakailan sa TV5? “There are stuff that are being negotiated right now, but no offers yet for 2016. Finished 2015 with their show,” pagtatapos ni Lee.