Magtiyahin naging magkaribal!
MANILA, Philippines – Minsan, natitiis mo pa kapag naging karibal mo ang isang kadugo sa mga materyal na bagay. O ‘di kaya ay kapag mas matalino siya, mas may talento o mas biniyayaan ng ganda kesa sa ’yo. Pero hanggang saan ang kaya mong tiisin kung maging karibal mo siya sa lalaking pinakakamahal mo? Ito ang kuwento ng magtiyahin na sina Nina at Milette na nagmahal ng iisang lalaki.
Mula sa probinsya ay nanirahan si Milette sa kapatid niyang si Fe sa Maynila. Pero bata pa lamang ay naramdaman na niyang hindi siya parte ng pamilya nito. Nakaramdam siya ng selos, lalo na sa pamangkin niyang si Nina na dalawang taon lang ang agwat ng kanyang edad. Mas lalo pa itong tumindi nang malaman niyang ang lalaking mahal niya na si Ricky, ay si Nina ang gusto.
Maagang nabuntis si Nina at nagsama sila ni Ricky sa bahay nina Nina. Dahil dito, napalapit si Milette kay Ricky. Mas lalong tumindi ang pagmamahal ni Milette kay Ricky at hindi siya nabigong makuha ang loob nito. Hanggang sa may nangyari na nga sa kanila. At ilang beses pa itong naulit.
Pero hindi na nila naitago ang relasyon nang mismong si Nina na ang nakahuli sa kanilang dalawa. Kahit ipinagbubuntis ang anak kay Ricky ay nakipaghiwalay dito si Nina. Bumalik naman ng probinsya si Milette.
Patuloy na nagmakaawa si Ricky kay Nina, gayun din si Milette, pero naging mahirap para kay Nina ang magpatawad. Naging sandigan niya si Nonoy, ang half-brother ni Ricky na matagal na ring may gusto sa kanya. Sa kabila ng pagbubuntis ni Nina, nagpakita pa rin sa kanya ng interes si Nonoy. Sumuko si Ricky sa paghingi ng tawad kay Nina at pinuntahan si Milette sa probinsya para doon na rin manirahan, na ikinagulat naman ni Milette.
Tatanggapin kaya ni Milette si Ricky? Paano na ang relasyon niya sa kanyang pamangkin na si Nina? Mapapatawad pa kaya ni Nina sina Milette at Ricky? At totoo nga kaya ang iniaalok na pag-ibig ni Nonoy kay Nina?
Abangan sina Camille Prats at Jacky Rice na gaganap bilang magtiyahin sa isang kalunus-lunos na kuwento ng pag-ibig.
Ang Tiyahin Ko, Karibal Ko ay sa ilalim ng premyadong direksyon ni Maryo J. delos Reyes DGPI, mula sa panulat ni Michiko Yamamoto at pananaliksik ni Loi Argel Nova.
Huwag palampasin ang kakaibang kuwento ng pamilya at pag-ibig na ito ngayong Sabado, January 2, 2016, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto sa GMA7.
- Latest