Unang araw ng 2016 ngayon kaya naman nagbahagi ng mga plano ang ilan sa mga paborito nating Kapamilya stars.
Naging matagumpay ang nakaraang taon kay Ian Veneracion dahil sa tagumpay ng kanilang teleseryeng Pangako Sa ‘Yo.
Kapag nagtapos ang nasabing serye ngayong taon ay gusto raw munang magpahinga ng aktor upang mas matagal na makasama ang kanyang pamilya. “Hindi ko alam kung ano ang nakalinya pero kung ako lang, I prefer na magkaroon ng kaunting break. Para kung magkaroon ng susunod na trabaho eh ‘di thank you. Siyempe I prefer a break after this long teleserye,” pahayag ni Ian.
Maraming proyekto naman ang hiling ni Pokwang at kung mangyayari ay gusto na niyang magpakasal sa kasintahang si Lee O’Brian. “Sana nga, pray, pray, pray,” natatawang pahayag ni Pokwang.
Matatandaang nalaglag ang ipinagbubuntis ng komedyana kamakailan na dapat sana ay magiging panganay nila ni Lee.
Matagal-tagal nang hindi napapanood sa telebisyon si Gerald Anderson kaya naman gusto na raw magbalik sa paggawa ng teleserye ng aktor at sumubok ng mas challenging na role. “Maraming roles na matsa-challenge ako, the more roles na mas mahirap, the better. That’s how I’ll grow and I will become better as an actor,” paliwanag ni Gerald.
Albert may bilin sa mga baguhan para magtagal sa trabaho
Dalawang teleserye ang kinabibilangan ni Albert Martinez ngayon kaya malaki ang pasasalamat ng aktor sa ABS-CBN.
Bida si Albert sa All of Me ng Kapamiya Gold at kasama rin sa Ang Probinsyano sa Primetime Bida. “It’s a very good blessing. It’s more of time management as of the moment and I make it to the point na ‘yung Sunday ko is for the kids para may family balance ako,” bungad ni Albert.
Maraming mga kaabang-abang na eksena ang hindi raw dapat palampasin ng mga manonood ng Ang Probinsyano. “Ang dami pa because Ang Probinsyano is designed to be episodic. So every week may bagong situation, every week may bagong artistang guest. So it’s going to be exciting all the time. So current always ‘yung situation,” pagbabahagi ni Albert.
Maging sa All of Me ay maraming misteryo at nakakikilig na eksena pa raw ang dapat abangan ng mga manonood. “Marami pang revelations, mas marami pang kilig at mas marami pang romance and mistery,” dagdag pa niya.
Nakakailang dekada na ngayon si Albert sa industriya kaya mayroon siyang payo para sa mga artistang baguhan pa lamang. “It’s very simple, just take your craft seriously and always improve on yourself and respect everybody in the industry,” pagtatapos ng aktor.