MANILA, Philippines – Sasalubungin ng DZMM Radyo Patrol 630 ang 2016 na puno ng updates sa pagdiriwang ng publiko sa iba’t ibang lugar sa bansa at ng pagbabalik-tanaw sa pinakamalalaking balitang tumatak sa bayan ngayong bisperas ng Bagong Taon (Dec 31).
Tutukan ang coverage ng DZMM sa New Year’s revelry sa pag-iikot ng Radyo Patrol reporters sa iba’t ibang lokasyon at ospital kasama na rin ang pagbabahagi ng tips at mga paalala sa ligtas na pagdiriwang.
Bago naman ang ganap na pagsalubong sa Bagong Taon, magbabalik-tanaw sina Vic Lima at Toni Aquino sa pinakamalalaking balitang tinutukan at sinubaybayan ng bayan sa isang espesyal na year-end report na Dos Mil Kinse: Naka-report Agad sa DZMM.
Mapapanood at mapapakinggan ito sa bisperas ng Bagong Taon bilang updates na ilalahad kada oras mula 9AM hanggang 10PM, at sasariwain ang ilan sa mga pangyayaring yumanig sa bayan at tinutukan ng DZMM, gaya ng pagbisita ng Santo Papa, ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, ang pagkakaligtas ni Mary Jane Veloso sa parusang kamatayan, ang “tanim-bala” scam, at mga kalamidad na tumama sa bansa.
Para sa pinakasariwang balita at komentaryo, makinig sa DZMM Radyo Patrol Sais Trenta, ang numero unong AM radio station sa Mega Manila at tumutok sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), o sa online livestreaming sa dzmm.com.ph.