MANILA, Philippines – Mga bigating performer ang bubulaga sa pinakamalaki, pinakabongga at pinakamasayang New Year Countdown at New Year’s Celebration ng Iglesia ni Cristo (INC) na gaganapin sa Philippine Arena, Ciudad de Victoria, sa December 31.
Pangungunahan nina Pops Fernandez, Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros (a.k.a. JoWaPao), ang Sandwich band at ang international Filipino singer na si Apl.de.ap ang nasabing pagdiriwang sa tinatawag na Grand Staircase ng Philippine Arena na magtatangka ring magtala ng tatlong bagong world record sa Guinness.
Ito ay ang Largest Fireworks Display, Longest Line of Sparklers Lit in Relay at Most Sparklers Lit simultaneously.
Mismong ang Philippine Arena, ang 55,000-seater indoor arena, ay pinarangalan ng Guinness Book of World Records bilang Largest Mixed-Use Indoor Theater.
Pag-aari ng INC ang Philippine Arena na pinagdausan ng grand premiere ng pelikulang Felix Manalo ng Viva Films noong October 4, 2015.
Nagtala ng world record sa Guinness ang pelikula tungkol sa buhay ni Felix Manalo, ang First Executive Minister ng INC, dahil nasungkit nito ang world record para sa Largest Audience in a Film Premiere at Largest Audience in a Film Screening (43,624 attendees).
Ngayong December 31, dalawang official representative ng Guinness ang darating para saksihan ang panibagong pagtatangkang ito ng INC.
Kasalukuyan nang itinatayo ang massive stage kung saan kasya ang isang libong tao para sa 2016 New Year Countdown/Celebration.
Halos isang oras tatagal ang fireworks display sa Grand Staircase at palibot ng Stadium, na magsisilbing pinaka-highlight ng INC celebration.
Bukod sa engrandeng concert at fireworks display, ang naturang okasyon ay magkakaroon din carnival rides, magic shows, laser light shows, parade, bazaar at iba pang activities para sa publiko.
Mapapanood ang bonggang pagsalubong ng INC sa Bagong Taon sa Net 25.