Hindi naman siguro maaapektuhan nang labis si Vice Ganda na tinalo na sa box-office ang movie niyang The Amazing Praybeyt Benjamin ng A Second Chance nina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz. Umabot na sa P556-M ang kita ng A Second Chance kumpara sa naitalang kita ng Praybeyt Benjamin na P456-M. Ipinalalabas pa hanggang sa kasalukuyan ang ASC kaya lalaki pa ang kita nito.
Mas malulungkot si Vice kung pelikula ng ibang produksyon ang lumamang sa movie niya.
Tommy at Miho inaasahang magkakatuluyan
Sana naman ay magtuluy-tuloy na sa tunay na romansa ang reyaliserye ng It’s Showtime na nagtatampok kina Tommy Esguerra at Miho Nishida. Mabibigo ang fans ng dalawa at manonood ng IS kapag lumabas na palabas lamang at walang katotohanan ang napapanood tungkol sa kanila.
At habang nasa IS pa si Tommy, dapat bilisan nito ang pag-aaral niya ng Tagalog dahil malaki ang posibilidad na gawin siyang leading man ng ABS-CBN at maging ng Star Cinema.
Troy Montero producer na rin
Kung dati ay paarte-arte lamang si Troy Montero sa paggawa ng pelikula bilang isang actor, sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2015 ay masigla siyang nag-participate hindi bilang arista kundi bilang isang prodyuser. Isa siya sa mga partner na gumawa ng Nilalang na nagtatampok kina Cesar Montano at Japanese actress na si Maria Ozawa.
Isa sa talagang kumuha ng interes ng publiko nang unang ma-annouce ang Haponesang makakapareha dapat ni Robin Padilla, pero napalitan ni Montano, ay ang posibilidad na isang bold movie ang gagawin nito. Pero sa halip, isang drama-action ang nalikha na nagtatampok din kay Meg Imperial bilang kasamang agent ni Montano na nagsisikap mabigyan ng solusyon ang serye ng rape at pagpatay na ang isa sa mga biktima ay nobya ng character ni Cesar.
Ang magandang istorya ng Nilalang ang kumumbinse sa We Love Post nina Troy at Maia Yambao para gawin ang pelikula.
Maaring hindi na si Ozawa kundi isang lokal na aktres na lamang ang kinuha para gampanan ang kanyang role, pero mas naging maganda ang resulta ng pagkakasama niya dahil sa nabigyan ang Nilalang ng Japanese flavor. May mga dialogue din na ginamitan ng lengwaheng Nihongo.
Karla ‘inggit’ sa JaDine
Talaga yatang na-insecure na ang tambalang KathNiel sa JaDine at ito ay nabigyang-buhay ng ina ni Daniel Padilla na si Karla Estrada nang sabihin nito na napapabayaan na ng ABS-CBN ang KathNiel dahil sa tandem nina James Reid and Nadine Lustre. Binanggit pa niya na hindi Kapamilya ang JaDine kundi Viva Artists kaya mas dapat alagaan ng network ang KathNiel kaysa sa JaDine.
Sa kanyang disappointment, nakalimutan ng sikat ding ina na nasa tuktok ng kanilang kasikatan ang Viva couple. Bukod sa may matagumpay silang serye na tumatakbo ngayon, mabilis naubos ang ticket para sa kanilang Valentine concert.
Tila walang pagkasawa ang tagahanga ng JaDine na bago ang Valentine concert ay binigyan sila ng kumpanya ng isang fast food na kanilang iniendorso sa isang thanksgiving concert. Halos masira ang venue ng palabas sa rami ng fans na nanood ng concert.