MANILA, Philippines – Isang natatanging palabas na magkahalong ballet at circus ang nagbukas sa Aliw Theater ng ika-18 ng Disyembre. JOY! – ang pinakabagong pagtatanghal ng Circus D’ Ballet - ang handog ng Star City ngayong Kapaskuhan, at tatakbo hanggang ika-3 ng Enero 2016.
Halaw sa orihinal na palabas ng Circus D’Ballet nong 2001 na pinamagatang Belen na nagkaroon ng mahigit na 400 mananayaw sa loob ng dalawang taon, pagsasamahin ng JOY! ang 30 mananayaw ng Ballet Manila at 30 circus artists, kasama ang limang aerialists na nag-training kina Ruby at Luca ng Ruby Karen Project, Orange County Aerial Arts sa isang kamangha-manghang palabas ng circus at ballet.
Sa kuwento, magtatagpo ang dalawang mime artists at isang salamangkero upang dalhin ang mga manonood sa isang paglalakbay sa musika, gamit ang mga sikat na awiting Joy To the World, Pasko Na Naman, Pasko Na Sinta Ko, Hele, at Kumukutikutitap. Kanilang makikilala rin ang tatalong anghel na magdadala sa kanila sa Belen. Orihinal na konsepto ito ng chairman ng Star Parks na si Fred J. Elizalde.
Ang JOY! ay nasa ilalim ng direksyon at choreography ni Osias Barroso, katulong sina Gerardo Francisco, Jonathan Janolo, Michael Divinagracia, at Rudy De Dios. Bubuhayin ng JOY! ang Pasko Na Naman Muli ng Ballet Manila, na may halong mga acrobat, contortionist, unicyclist, jugglers, clowns, aerialists at isang batang-batang magician.
Libre ang panonood ng JOY! para sa lahat ng bisita ng Star City.