Sa isang malaking subdivision sa isang malaking siyudad ay buhay na buhay pa rin sa alaala ng mga homeowners du’n ang nakaraang relasyon ng isang male personality at ng isang singer-actress.
Matagal silang nag-live-in du’n, madalas silang bumida sa mga awayan, parehong maigsi ang kanilang pasensya kaya konting argumento lang ay malaking away na agad ang kasunod du’n.
Sobrang selosa kasi ang singer-actress, may kausapin lang na babae ang male personality ay agad na siyang nagwawala. Matindi ang kanyang insecurity.
Kuwento ng aming source, mula mismo sa nasabing subdivision, “Ang madalas panakot ng girl, e, lalayas siya! So, kapag lalayas na kuno siya, e, susunod naman sa kanya ang boyfriend niya. Du’n na sila mag-aaway sa kalye.
“Nakakaawa ang lalaki sa sobrang bastos ng bibig ng girl, parang wala siyang breeding, halos lahat ng pagmumura, alam niyang isigaw! Nagiging center of attention tuloy sila sa subdivision kapag nag-aaway sila.
“Kadalasan pa naman, e, midnight na silang nag-aaway, tahimik na tahimik ang paligid, mga boses lang nila ang maririnig!” walang eksaherasyong kuwento ng aming source.
Kontrang-kontra ang pamilya ng pamosong male personality sa singer-actress, pero bulag nga ang pag-ibig, ipinaglaban pa rin niya ang babae.
Pero nu’ng bandang huli ay ang lalaking personalidad na ang sumuko, siya na mismo ang nakipaghiwalay sa bastos na singer-actress, masisira nang tuluyan ang kanyang buhay at career kapag nagpatalo ang male personality sa kanyang emosyon.
Sikat pa rin ang male personality hanggang ngayon pero ang babae ay nawala na sa gitna ng aksyon. Ang pinakahuling kuwento ay recording artist na kuno ito sa isang bansa.
“Hindi susuwertihin ang babaeng ‘yun, napakabastos ng bibig niya! Ang bastos, kahit saan pa makarating, e, bastos pa rin!” pahabol ng aming source.
Ubos!
Kris Bernal kapani-paniwala na kapos sa pag-iisip
Basta kaya ng aming oras ay hindi namin pinalalampas ang Little Nanay ng GMA 7. Nagagalingan kami sa pag-arte ni Kris Bernal, napakanatural niya, kundi mo nga alam na ginagampanan lang niya ang papel ng isang may kakulangan sa pag-iisip ay mapagkakamalan mo siyang ganu’n mismo.
Napakabilis umiyak ni Kris bilang si Tinay na nagdalantao at nagkaanak sa kanyang sitwasyon. Mahal na mahal siya ng kanyang pamilya, ramdam ang pagmamalasakit sa kanya nina Bembol Roco at Nora Aunor bilang mga tagapag-alaga niya, lutang na lutang naman ang pagkakontrabida ni Gladys Reyes na ina ng lalaking mahal na mahal ni Tinay.
Ginagaya na ngayon kahit saan ang “Happy lang!” na madalas sabihin ni Tinay. Pati ang kanyang pagsasalita ay gayang-gaya na ngayon ng mga kababayan natin, isang palatandaan na sinusubaybayan ang palabas, hinihintay talaga at tinututukan.
Ito ang unang pagkakataon na nasubaybayan namin ang pag-arte ni Kris Bernal. Napapanood namin siyang kumakanta at sumasayaw nu’n pero hindi namin alam na magaling pala siyang umarte.
Kung nakakaalarma ang kahirapan sa pagdadayalog ng Superstar dahil sa problema nito sa lalamunan ay kapansin-pansin din ang sobrang kapayatan ni Kris.
Para siyang teenager sa kanyang itsura, pero ayos lang, ang pinakamahalaga ay naitatawid ni Kris ang papel ni Tinay sa napakanatural na atake.
Happy lang!