MANILA, Philippines – Palaban ang pambato ng bansa at kasalukuyang Miss Universe Philippines na si Pia Alonzo Wurtzbach sa ginanap na Miss Universe preliminary swimsuit at evening gown competitions kamakailan sa Planet Hollywood, Las Vegas Resort and Casino.
Buo ang kumpiyansa ni Pia na rumampa suot ang black and white striped na Yamamay swimsuit kasabay ng pagdagundong ng hiyawan ng Pinoy fans.
Elegante naman ang Pinay bet sa kanyang evening gown na gawa ng Hollywood red carpet couturier na si Oliver Tolentino. Muli na namang naging kontrobersyal ang suot na evening gown ng Miss Universe Philippines dahil ang suot ni Pia ay last minute na pinili ng kandidata matapos hindi umano magkasya ang gown na ibinigay ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI).
Agaw-eksena rin si Pia sa National Costume show kung saan ibinandera niya ang pangalan ng bansa suot ang puting capiz terno na likha ng Filipino designer na si Albert Andrada.
Determinado si Pia na mauwi ang korona sa Pilipinas at tanghaling ikatlong Filipina na kinoronahang Miss Universe. Sa isang Q and A sa official Facebook ng Miss Universe, tinanong si Pia ng isang netizen kung ano ang pipiliin niya sa dalawa -- true love o ang korona?
“True love waits. I’ll take the crown!” walang pag-aalinlangang sagot ni Pia.
Bukod sa sunod-sunod na pagpasok sa top 5 ng Pinay beauties sa nakaraang taon, muntikan na ring masungkit ng bansa ang korona noong 2012 nang maging 1st runner up si Janine Tugonon sa Miss Universe 2012 na si Olivia Culpo.
Panoorin ang 2015 Miss Universe pageant via satellite sa Lunes (Dec 21), 8:30 AM sa ABS-CBN. Mapapanood din ito live sa Lifestyle (SkyCable ch 52) sa ganap na 8 AM.
Carlo katigbak, bagong president at CEO ng ABS-CBN
Inanunsyo ng ABS-CBN Corporation ang pagtatalaga kay Carlo Katigbak bilang bagong President at Chief Executive Officer (CEO) simula Enero 1, 2016.
Magreretiro si Charo Santos-Concio sa Disyembre 31, 2015 pero patuloy na manunungkulan sa kumpanya bilang Chief Content Officer, President ng ABS-CBN University, at Executive Adviser to the Chairman. Mananatili namang Chairman of the Board ng ABS-CBN si Eugenio Lopez III.
Bago hiranging COO noong Marso 2015, si Katigbak ang naging Head of Access ng ABS-CBN. Pinamunuan at pinangunahan niya ang pagpasok ng ABS-CBN sa iba’t ibang negosyo gaya ng Sky Cable, ABS-CBNmobile, at ABS-CBN TVplus.
Heneral Luna laglag sa short list ng OSCARS
Laglag sa short list ng Oscar Foreign Language Film category ang pelikulang Heneral Luna.
Ayon sa report ng Variety, napili na ang siyam na maglalaban-laban at sadly, wala ang Heneral Luna na balitang highest grossing indie film ng bansa sa kasalukuyan.
Ang nasabing pelikula ang nag-iisang choice para isabak sa nasabing kategorya sa Oscars.
Ang siyam na nakasama sa final list ay ang mga sumusunod : The Brand New Testament (Belgium), Embrace of the Serpent (Columbia), The War (Denmark), The Fencer (Finland), Mustang (France), Labyrinth of Lies (Germany), Son of Saul (Hungary), Viva (Ireland), and Theeb (Jordan).