Ang magkaroon ng picture na kasama si John Lloyd Cruz ang request ni Mother Lily Monteverde sa presscon kahapon ng Honor Thy Father.
Ginanap ang presscon sa Valencia home ni Mother at kung hindi ako nagkakamali, first time ni John Lloyd na tumuntong sa bakuran ng Regal Films.
Ang sey ng mga reporter, lumabas ang pagiging fan ni Mother nang magkita sila ni John Lloyd, ang bida sa Honor Thy Father.
Si Mother ang in charge sa presscon dahil ang anak niya na si Dondon Monteverde ang produ ng pelikula na kasali sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF).
May international version ang Honor Thy Father kaya tiyak na mapapanood ito sa ibang bansa.
Si Erik Matti ang direktor ng pelikula at proud na proud siya sa finished product.
Ang kuwento ng mga nakapanood sa Honor Thy Father, malaki ang tsansa na humakot ng parangal sa MMFF awards night ang pelikula dahil sa mahusay na direksyon ni Erik at magaling na acting ni John Lloyd.
Ang sey naman ni Dondon, perfect sa role si John Lloyd dahil nabigyan nito ng justice ang karakter niya sa Honor Thy Father.
Ipinasasa-Diyos ang lahat William Martinez umaasang magkakabalikan sila ni Yayo Aguila
Starring sa Honor Thy Father ang ex-couple na sina Yayo Aguila at William Martinez.
Kahit hiwalay na sila, friends pa rin sina Yayo at William kaya walang problema na magsama ang dalawa sa isang project.
Sa tanong kung magkakabalikan pa sila, ipinauubaya ni William sa Diyos ang lahat kaya panahon lang ang makapagsasabi kung kailan.
Honor Thy Father kapupulutan ng aral ng mga mahilig sa networking
Tungkol sa pyramid scam ang kuwento ng Honor Thy Father na dapat panoorin ng mga Pilipino na mahilig mag-join sa mga networking raket.
Marami nang balita tungkol sa mga pyramid scam dahil napapanood natin ito sa mga television news program at naririnig sa radyo pero sadyang matigas ang ulo ng mga Pilipino.
Sa kagustuhan na kumita ng limpak-limpak na datung na walang kahirap-hirap, nagpapaloko sila sa mga networking recruiter na biglang nawawala na parang bula dahil tinutugis ng batas.
May mga kakilala ako na naghirap at nagkaroon ng court cases dahil nasangkot sila sa pyramid scam. Hindi sila ang direktang may kasalanan pero nadiin nang husto dahil nag-disappearing act ang utak ng panlilinlang.