Biyaherang negosyante kinikimkim ang galit sa young actress na nilaspag muna ang mga tindang sapatos bago ibinalik

Grace Poe

Ilang taon na ang nakararaan ay binigyan ng problema ng isang pamosong young actress ang isang biyaherang negosyante. Umaangkat ito ng kanyang mga paninda sa ibang bansa at saka ibinebenta dito.

Maraming artistang bumibili sa kanya ng mga damit at sapatos, walang shop dito ang biyahera, kaya walang gaanong kamukha ang mga ibinebenta nitong personal stuff.

Matagal nang umoorder-bumibili sa kanya ang nasabing young actress, halos lahat ng ginagamit niya sa taping at shooting at mga pictorial ay galing sa biyahera, matagal na silang magkatransaksiyon.

Pero may kalokahan din ang young actress kung minsan, ‘yun ang naging dahilan ng pagkakasira nila ng businesswoman, heto ang kuwento ng aming source.

“One time kasi, nagustuhan niya ang tatlong pairs ng shoes na ibinebenta ng biyahera, siya na lang daw ang kukuha nu’n, huwag nang ibenta pa sa iba. Tuwang-tuwa naman siyempre ang businesswoman, bawi na agad ang puhunan niya.

“Ipinakuha ng young actress ang tatlong pares ng sapatos, isinusuot na niya ‘yun sa kanyang mga guestings, napapanood siya ng businesswoman.

“Tumawag siya sa biyahera, ibabalik na lang daw niya ang mga sapatos dahil hindi siya kumportable. Nainis siyempre ang businesswoman, paanong hindi siya comfortable sa mga kinuha niyang sapatos, e, palagi ngang ‘yun ang isinusuot niya sa page-guest sa mga talk shows?

“Walang nagawa ang businesswoman nang ipabalik ng girl ang mga shoes sa PA niya. Hindi pa ‘yun bayad, pinroblema ng biyahera kung sino pa ang bibili ng mga shoes, gamit na gamit na ng young actress?” kuwento ng aming source.

Pahabol pa ng aming impormante, “Hindi na siya binibigyan ng kahit anong gamit ng businesswoman ngayon dahil sa kalokahan niya. Kinikimkim pa rin ng biyahera ang ginawa niya.”

Ubos!

‘Pag ‘di pinayagang kumandidato supporters ni Grace Poe nagbantang iba-blangko ang balota sa pagka-pangulo

Sa kabila ng mga nagaganap ngayon sa kandidatura ni Senadora Grace Poe ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang kanyang mga tagasuporta. Tuloy pa rin ang laban, ‘yun ang kanilang sigaw, hindi siya dapat panghinaan ng loob.

Nakakadalawang kabiguan na sa COMELEC ang senadora, pero naipanalo niya ang petisyon sa Senate Electoral Tribunal, ayon sa nakausap naming political analyst ay mahaba pa ang tatakbuhin ng mga kasong isinampa laban sa senadora pero kailangan niyang paghandaan ang lahat ng kanyang mga desisyon.

Pakiramdam ng marami na­ting kababayan ay talagang may tumatrabaho laban kay SGP, maraming natatakot sa lakas na ipinakikita niya sa kanyang pagdalaw sa iba’t ibang probinsiya, ngayon pa lang ay ninenerbiyos na ang kanyang mga katunggali.

Sa isang Christmas party ay si Senadora Grace ang paksa sa halos lahat ng mesa. Naaawa sa kanya ang mga nagkukuwentuhan, kinuwestiyon na raw ang pagiging ampon ng mambabatas ay heto, lahat ng butas na puwedeng masilip ay ibinabato na laban sa kanya.

Meron ding nagsasabi na kapag hindi siya binigyan ng kalayaang tumakbo ay ibablangko na lang nila ang balota sa posisyon ng pangulo. Wala silang ibang ihahalili, basta blangko lang ang kanilang balota, wala raw makikinabang sa boto na para talaga kay Senadora Grace Poe.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Sa Philippine politics, kapag malakas ka, sa umpisa pa lang, e, wawasakin ka na. Lahat ng kaso, isasampa na laban sa inaakala nilang magpapakain sa kanila ng alikabok. Nakakalungkot.”

Dasal at paninindigan ang pinagkakanlungan ngayon ng mga tagasuporta ng senadora. Lalo silang pinatatapang ng mga pangyayari, pursigido silang ipaglaban ang kanilang kandidato sa pangu­luhan, hindi sila uurong hanggang sa huling sultada ng laban.

Show comments