Reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang hatol ni Judge Alfonzo Ruiz ng Quezon City Regional Trial Court kay Michael Flores, ang kriminal na inamin ang pagpatay kay Zenaida Sison, ang ina ng aktres na si Cherry Pie Picache.
Ipinag-utos din ng korte na bayaran ni Flores ang naulilang pamilya ni Sison ng P1,245,615 para sa damages, P50,000 para sa moral damages at P50,000 para sa civil indemnity.
Alam natin na malabong mabayaran ni Flores ang hinihingi ng korte dahil wala siyang datung kaya nga pinagtangkaan niya na nakawan at eventually, pinatay ang kaawa-awang nanay ni Cherry Pie noong September 19, 2014.
Mabilis na nakamtan ng pamilya ni Cherry Pie ang katarungan dahil isang taon lamang ang ipinaghintay nila na mabilis na kung ikukumpara sa ibang mga kaso na inaabot ng isang dekada at mahigit pa.
Nararapat lamang na pagdusahan ni Flores ang krimen na ginawa niya sa isang inosenteng biktima. Umamin si Flores na gumamit siya ng shabu bago pinasok ang bahay ni Mrs. Sison at pinagnakawan.
Wala talagang mabuting maidudulot ang paggamit nga mga droga na salot sa lipunan.
Taong guilty sa identity theft sa social media salot na maituturing
Salot din na maituturing ang mga tao na guilty sa identity theft.
Nalaman ko kahapon na hanggang ngayon, may Twitter account ako na ginawa ng hindi ko nakikilalang tao at patuloy na nagkakalat ng mga maling balita.
Isa sa mga follower ng fake ManayLolit007 Twitter account si Senator JV Ejercito. Hindi pa yata alam ni Papa JV na wala akong mga social media account at kung meron man, 1000 percent sure na peke ‘yon.
Walang konsyensya ang tao na gumagamit sa pangalan ng iba dahil naaatim niya na magpanggap at manira ng kapwa. I’m sure, hindi siya happy at punum-puno ng insecurities kaya gumagawa ng paraan na mapansin. Bahala na ang karma sa kanya!
Bossing at AiAi malalim ang pinagsamahan
Blockbuster ang presscon ng My Bebe Love dahil dinumog ito ng entertainment press at ng mga gatecrasher.
Isa ako sa mga pinakamaaga na dumating sa presscon ng My Bebe Love noong Miyerkules pero hindi ko na nahintay ang mga artista ng pelikula.
Siguradong maiinip lang ako kung hinintay ko sila dahil before 5 p.m. nang umapir ako sa venue ng presscon pero nagsimula ito ng 7 p.m.
Ang My Bebe Love ang most anticipated movie of the year dahil reunion movie ito nina AiAi delas Alas at Vic Sotto.
Four years ago pa nang magkasama sina Bossing at AiAi sa filmfest movie na Enteng ng Ina Mo na certified blockbuster noong 2011.
Ilang beses na sinubukan ni Bossing na magkaroon ng sequel ang Enteng ng Ina Mo pero hindi natuloy dahil may mga conflict sa schedule nila ni AiAi.
Parehong naniniwala ang dalawa na mangyayari sa tamang panahon ang kanilang muling pagtatambal sa pelikula at natupad ito sa My Bebe Love.
Nagpapasalamat sina AiAi at Bossing sa mga nagsasabi na tiyak na pipilahan sa takilya ang kanilang pelikula na magbubukas sa mga sinehan sa December 25.
Sa mga hindi nakakaalam, malalim ang friendship nina Bossing at AiAi dahil nagkasama sila noon sa sitcom na 1 For 3. Hindi sila nawalan ng komunikasyon at hindi nagbago ang pagiging magkaibigan sila, kahit nag-babu si AiAi sa 1 For 3 at nag-ober da bakod sa ABS-CBN.