Talaga palang hindi kayang suhetohin ng kahit sino ang isang palabang young actress. Siya ang reyna ng kanyang sarili, wala siyang pinakikinggang payo ng sinuman, basta gagawin niya ang kanyang gusto harangan man siya ng sibat ng kahit sino.
Nasira sa kanya ang lahat ng miyembro ng kanilang pamilya, ang mga tiyuhin niyang nagmamalasakit ay nawalan ng saysay ang mga boses, lalo namang walang magawa sa kanya ang pinakamalapit na babae sa kanyang buhay.
Pero hindi naman pala ngayon lang umiiral ang pagiging pasaway ng young actress na ito. Bata pa lang siya ay sagana na siya sa mga kalokahan. Palaging ipinatatawag ng guidance counselor ng kanilang eskuwelahan ang kanyang guardian.
Cutting classes, bullying, pakikipag-away sa mga kaklase, pagsagut-sagot nang pabalang sa kanyang mga guro, pagkontra sa mga alituntunin ng kanyang eskuwelahan—lahat ‘yun ay ginagawa na niya kahit nu’ng batambata pa lang siya.
Hindi na nakapagtataka kung bakit nagkaganyan ang young actress na sayang, dahil maganda pa naman siya at may alam sa pag-arte, bibihira ang ganu’ng kumbinasyon sa mga kabataang artista ngayon.
Pag-alala pa ng isang impormanteng nasubaybayan ang paglaki ng young actress, “Birthday nu’n ng isang pinsan niya, natural, invited siya. Nagpalaro ng pabitin na laging kasama sa mga children’s party. Ayaw niyang sumali.
“Nakasimangot siya, akala mo diring-diri sa kung ano. Nag-agawan ang mga bata, marami silang nakuhang laruan. Biglang hinablot ni ____(pangalan ng magandang batang aktres) ang mga nakuhang toys ng mga kapwa niya bata.
“Nakipag-away talaga siya, pilit niyang inaagaw ang mga laruang hindi naman siya ang naghirap para makuha sa pabitin. Sorry na lang nang sorry ang mommy niya dahil sa pagiging pasaway ng batang ‘yun!” kuwento ng aming source.
Ubos!
After 56 years, pamilya nina Erap at Loi buung-buo pa rin
Nagdiwang ng 56th wedding anniversary kamakailan sina Pangulong-Mayor Joseph Estrada at Senadora Loi Ejercito. Sa mga ganu’ng okasyon ay ang kanilang anak na si Jackie ang palaging punong-abala.
Pito na ang apo ng mga nagdiwang ng anibersaryo. Apat kina Senador Jinggoy Estrada at Precy Ejercito (sina Konsehala Janella, Jolo, Julian, at Jill), dalawa kay Jackilyn (sina Manu at Jack), at isa kina Colonel Jude Estrada at Weng (si Justine).
Kapag nagkakasabay-sabay sila ng pagdalaw kay Senador Jinggoy sa PNP Custodial Center ay parang malaking playground ang maliit lang namang lugar. Habulan nang habulan ang magpipinsan at kapag nagsawa ay puro gadgets naman ang kanilang tinututukan.
Bago sila mag-uwian ay nagro-roll call pa si Senador Jinggoy, tinatanong nito ang kanyang mga kapatid kung ano’ng pagkain ang ipadadala sa kanya kinabukasan, kanaturalan ng pamilya Estrada ang pagkahilig sa masasarap na pagkain.
Sa kabila ng mga paghamong nakakaengkuwentro ng pamilya sa mundo ng pulitika ay buung-buo pa rin sila, nagdadamayan, kung sino ang nangangailangan ng pagsuporta ay magkakahawak-kamay silang lahat para tumulong.
Nga pala, bumati ng happy anniversary si Alden Richards kina Pangulong-Mayor Erap at Dra. Loi, alam ng Pambansang Bae na hanggang ngayon ay ang kanyang mukha ang nakabalandra sa screensaver at wallpaper ng dating senadora.
Gustung-gusto ng buong pamilya ang sikat na aktor na para sa kanila’y hindi pinagbabago ng popularidad. Pusong-ina ni Dra. Loi ang nagdidikta na mabuting anak si Alden Richards.