MANILA, Philippines – Yayanigin ng matinding pagsubok ang batang si Ningning (Jana Agoncillo) dahil sa pagsimula ng paglabo ng kanyang mga mata sa top-rating Kapamilya tanghali serye.
Matapos ang mga makukulay at magagandang nangyayari sa buhay ni Ningning, biglang magrereklamo ito sa best friend na si Macmac (John Steven de Guzman) na lumalabo ang paningin niya. Bigla namang mag-aalala ang tatay ni Ningning na si Dondon (Ketchup Eusebio) sa kalusugan ng anak at magbabalak na ipatingin si Ningning sa doktor.
Hindi nalalayo ang malaking banta sa kalusugan ni Ningning sa buhay ni Ashley, ang batang may bone marrow cancer at epidermolysis bullosa na ginampanan ni Jana noong nakaraang linggo sa Maalaala Mo Kaya (MMK).
Dahil sa madamdaming kwento at kahanga-hangang pag-arte ni Jana, muling namayagpag ang MMK, ang longest running drama anthology ng ABS-CBN sa nationwide ratings na nakuha ang pang-apat na pwesto sa listahan ng pinakapinanood na programa sa bansa noong Nobyembre 28. Umani din ang kauna-unahang MMK episode ni Jana ng rating na 25.7%, ayon sa Kantar Media.
Samantala, nananatili din ang Ningning bilang most-watched weekday morning program sa buong bansa. Base sa datos ng Kantar Media sa buwan ng Nobyembre, nakakuha ang Ningning ng national TV rating na 15.7% .
Binigyang parangal din si Jana sa 29th PMPC Star Awards for Television kung saan ay hinirang siya bilang Best New Female TV Personality. Ang ibang nominado sa kategorya ay sina Loisa Andalio, Maine Mendoza, Mariz Racal, MJ Lastimosa, at Stephanie Yamut.
Muli kayang mapabilib ni Jana ang mga manonood na subaybayan ang panibagong hamon sa buhay ni Ningning?
Malalagpasan kaya ng ating munting bida ang pinakamalaking pagsubok sa buhay niya? Huwag bibitaw sa mga kaabang-abang na mga pangyayari sa Ningning, Lunes hanggang Biyernes bago mag-It’s Showtime, sa ABS-CBN.
Coco at Maja susugpuin ang budol-budol gang
Walang sasayanging oras sina Cardo (Coco Martin) at Glen (Maja Salvador) sa pagtunton sa mastermind ng Budol-budol gang sa FPJ’s Ang Probinsyano. Sabay sa paglaganap ng modus ng sindikato, magpapanggap sina Cardo at Glen bilang mag-asawang mayaman upang mahuli ang mga kawatan.
Hindi rin naman basta-basta susuko ang mga lider ng sindikato na sina Victor (Jay Manalo) at Marita (Yayo Aguila) na lalaban at mauudyok gumamit ng dahas para maprotektahan ang mga sarili.
Mapagtagumpayan kaya nina Cardo at Glen ang kanilang misyon o malalagay sa peligro ang kanilang mga buhay?
Huwag palampasin ang mga maaksyong eksena sa FPJ’s Ang Probinsyano gabi-gabi sa ABS-CBN.