Expected ang heavy traffic situation sa EDSA dahil December na at siyempre, dati nang matindi ang problema sa trapik sa Metro Manila kaya hindi na ako pumunta sa presscon ng Walang Forever ng Quantum Films.
Ang hindi na malutas na traffic problem sa Metro Manila, lalo na sa EDSA ang pruweba na may forever!
Starring sa Walang Forever sina Jennylyn Mercado at Jericho Rosales.
Sure ako na pipilahan sa box office ang Walang Forever dahil may kakambal na suwerte si Jennylyn. Blockbuster noong 2014 ang kanyang Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na English Only, Please at nag-win pa siya ng best actress award.
Kumita rin sa takilya ang huling pelikula ni Jennylyn, ang The PreNup ng Regal Entertainment, Inc.
Reunion movie naman nila ni Dan Villegas ang Walang Forever. Si Dan ang direktor ng English Only, Please at nanalo ng best director award sa MMFF noong nakaraang taon.
First movie together nina Jennylyn at Jericho ang Walang Forever.
Si JM de Guzman ang original choice bilang kapareha ni Jennylyn pero ipinalit sa kanya si Jericho dahil sa mga tsismis tungkol sa behavior niya.
Good choice si Jericho dahil may chemistry sila ni Jennylyn, base sa trailer ng Walang Forever. Hindi isyu kay Jericho na second choice siya dahil maganda ang project.
Nangyari sa Walang Forever ang wishful thinking ni Jennylyn noong bagets pa ito at hindi pa artista.
Pinapanood noon ni Jennylyn ang teleserye na Pangako Sa’Yo at nagsalita siya noon sa sarili na kapag naging artista siya, gusto niya na makapareha si Jericho. Nagdilang-anghel si Jennylyn dahil si Jericho ang leading man niya sa Walang Forever.
JM may dapat panghinayangan
Ang sey ng fans, may dapat panghinayangan si JM de Guzman dahil pinakawalan niya ang isang magandang project na katulad ng Walang Forever.
Hindi alam ng fans ang tunay na nararamdaman ni JM kaya igalang na lang nila ang pasya niya. Baka nga may matinding pinagdaraanan si JM na hindi nito sinasabi at sinasarili na lang.
Napapagod na sa serye, LT mas gustong gumawa ng pelikula
May special participation sa Walang Forever si Lorna Tolentino pero wala siya kahapon sa presscon.
Nanay ni Jennylyn ang role ni LT sa pelikula at nag-enjoy siya sa shooting ng romantic comedy movie ng Quantum Films.
Mas type ngayon ni LT na gumawa ng pelikula dahil pahinga muna siya sa mga teleserye na inaabot ng maghapon at magdamag ang taping.
May hawak sa MMFF nanahimik
Lagare ang showbiz press dahil sunud-sunod at magkakasabay ang mga presscon para sa mga pelikula na kasali sa MMFF 2015.
Nagtataka lang ang mga reporter dahil tahimik ang executive committee ng MMFF. Hindi kagaya noong nasa puwesto pa si MMDA Chairman Francis Tolentino na nagpapatawag agad ng presscon para magbigay ng mga update tungkol sa MMFF.
Wala rin nakakaalam kung sino ang in charge sa MMFF season pass na ipinamimigay ng MMDA at MMFF executive committee bago magbukas sa mga sinehan sa December 25 ang MMFF entries. Bigla tuloy na-miss ng showbiz press si Papa Francis.