Magkakaroon ng season break sa susunod na buwan ang isang television program na ilang taon na rin na namamayagpag sa ere.
Worried ang production staff dahil baka hindi na ibalik ng television management ang show na minahal nila at matagal na naging bahagi ng kanilang buhay.
Ipinagdarasal ng production staff na makakabalik pa sa ere ang television show na mataas pa rin naman ang ratings, kahit matitindi ang mga katapat na programa.
Alden automatic na ang pag-akbay kay Maine
Nabulabog ang Enchanted Kingdom noong Sabado dahil sa live telecast date nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Hindi na nakasakay sa rides ng Enchanted Kingdom ang ibang mga guest dahil nakuntento na lamang sila na panoorin ang first ever wholesome date ng AlDub.
Nakabulabog din sa Enchanted Kingdom patrons ang presence ng tatlong lola ng kalyeserye ng Eat Bulaga.
Napansin ng viewers ng Eat Bulaga noong Sabado na kumportableng-komportable na si Maine sa harap ng television cameras.
Hindi na nahihiya si Maine na makipagbatuhan ng mga joke sa mga veteran host ng Eat Bulaga at hindi na siya naiilang kay Alden.
Very comfortable na rin si Alden kay Maine dahil automatic ang pag-akbay niya sa dalaga kaya lalong kinikilig ang fans nila na hoping talaga na magkatuluyan ang dalawa.
Ang sey ng fans, hindi na “acting” ang ginagawa nina Alden at Maine. Malakas ang feeling nila na unti-unti nang nagkaka-developan sina Maine at Alden.
Edu lakwatsero, parang hindi senior citizen
Ibang klase rin si Edu Manzano. Parang hindi siya senior citizen dahil kung saan-saan siya pumupunta.
Noong Sabado, dumalo si Edu sa graduation rites para sa mga cancer survivor na pasyente ng Adrian Manzano Cancer Wing ng Philippine Children’s Medical Center.
Kahapon naman, nasa Tawi-Tawi siya na isang napakalayo na lugar at hindi ko pa nararating.
Very fruitful ang pagdalaw ni Edu sa Tawi-Tawi dahil nadagdagan ang kaalaman niya sa pamumuhay ng mga kababayan natin na Badjao.
Hindi pa panahon ng kampanya pero ang sipag-sipag na ni Edu na maglibot. Hindi ako magugulat kung bago pa mangyari ang eleksyon sa May 2016, naikot na ni Edu ang buong Pilipinas.
Hindi nagkamali ang Partido Galing at Puso sa imbitasyon kay Edu na maging official candidate dahil isa siya sa mga masisipag na senatoriable.
Well-versed din si Edu sa lahat ng mga isyu at problema ng ating bayan kaya may sagot siya sa lahat ng tanong. Ang mga kagaya niya ang dapat na iniimbita ni Karen Davila sa programa nito.
Dance cover ni Yassi bentang-benta sa YouTube
Inspired si Yassi Pressman na gumawa ng bagong dance video dahil maganda ang mga feedback sa kanyang New Thang dance cover video.
Hindi inaasahan ni Yassi na magugustuhan at magiging popular sa fans ang dance video ng New Thang na napapanood sa YouTube at libu-libo na ang hits.
Nagpapasalamat si Yassi sa loyal fans nito na walang sawa na sumusuporta sa lahat ng mga project niya mula sa kanyang mga pelikula, television guestings, mall shows, dance video at self-titled album sa Viva Records.