MANILA, Philippines – Sunud-sunod ang magagandang nangyayari sa career ni Janella Salvador.
Ang debut movie niya ay official entry ng Regal Films sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF). Siya rin ang napisil ng ABS-CBN na maging ka-loveteam ng bagong lipat na si Elmo Magalona sa unang serye nito sa ABS-CBN at kahapon ay inilunsad ng Star Music si Janella bilang isang ganap na recording artist. Kasabay ang official announcement na ang OPM Pop Sweetheart din ang napili ng Hong Kong Disneyland na maging representative ng Pilipinas na umawit ng 10th anniversary theme song nitong Happily Ever After.
Kabilang ang English at Taglish versions ng kanta sa limited edition ng kanyang self-titled album sa ilalim ng Star Music.
“Natatandaan kong sinelebreyt ko ang 7th birthday ko sa Hong Kong Disneyland ten years ago noong kakabukas pa lang nila. I’m so honored, this time, to represent our country and sing its 10th anniversary theme song. Dreams do come true, and Disney never fails to prove that,” aniya.
Ipinakita kahapon sa album launching ang video ng Happily Ever After na kinunan sa HKD kung saan almost five days siyang nag-ikot sa buong theme park.
Tampok din sa album ni Janella ang siyam na pop at inspirational songs. Kabilang dito ang carrier single niyang Ganyan Talaga, na mismong ang inspirational diva na si Jamie Rivera ang nag-compose.
Katuwang niya ang kanyang inang si Jenine Desiderio na nagsilbing vocal supervisor niya sa album na ito.
Kasama rin sa album ang remake ni Janella ng Dear Heart ni Sharon Cuneta at I Can ni Donna Cruz.
Meron din silang duet ng ka-love team niyang si Marlo Mortel, na miyembro rin ng boy group na Harana, ang duet nilang Kapag Tumibok ang Puso.
Kabilang sa track list ang Harana Na Na Na Na, Tick Tock Love, Teka Muna Pag-ibig..., at ang Himig Handog P-Pop Love Song na Mahal Kita Pero, pati na ang minus-one versions ng siyam na kanta sa album.
Ang limited edition ng album ni Janella Salvador ay malapit nang mabili sa record bars nationwide sa halagang P199. Mada-download din ito sa pamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph. (SVA)