Malalakas na halakhakan ang maririnig sa isang bar habang magkakaumpukan ang maraming reporters. Paano nga, bumangka sa kuwentuhan ang mga reporters na minsan isang panahon ay pinagod ng isang singer-actress kuno, maganda na ang estado ng buhay ngayon ng pinagtatawanang female personality sa umpukan.
Kuwento ng isang reporter, “Inisyuhan niya kami ng check, lima kami, nag-ambag-ambag kami sa pang-taxi para i-encash ang tseke niya sa bandang Cavite!
“Hindi naman kalakihan ang amount, pero alam n’yo na, datung din ‘yun, ‘no! So, ang saya-saya namin habang papunta sa bank, kuwentuhan kami nang kuwentuhan, halakhakan kami nang halakhakan.
“Pagdating namin sa bank, pinirmahan na namin ang check, ibinigay na namin sa teller, naupo na kami sa waiting area. Pag-upo namin, tinitingnan-tingnan namin ang teller, parang napapailing siya, kinakabahan na kami!
“Naku, ang layu-layo ng ibiniyahe namin, pero mukhang may problema pa ang check ni ____(pangalan ng singer-actress kuno na may anak na sumikat). Tinawag kami ng teller.
“Ang tanong niya, ‘Kailan po ito inisyu sa inyo?’ Halos pa-chorus pa naming sagot, ‘Kagabi lang.’ Napailing na talaga ang teller, ang sabi niya, ‘Matagal na pong closed account ito, bakit ginagamit pa rin niya ang check booklet niya?’
“Naloka kami. Gaga ang babaeng ‘yun, buong-ningning pa siyang pirma nang pirma sa check niya, ‘yun pala, matagal nang closed account ‘yun?
“Ayun, lumabas kami sa bank na nakayuko at luhaan! Tinatawagan namin si ____(ang mommy ng sikat na heartthrob ngayon), pero hindi niya kami sinasagot, alam na siyempre niya ang dahilan kung bakit!
“Naku, matagal na siyang echoserang palaka! Kahit ngayong maganda na ang buhay niya dahil sa anak niyang sumikat, isa pa rin siyang echosera!” tawanan nang tawanan ang buong grupo dahil sa kalokahan ng ina ng young actor.
Ubos!
SGP pinagtutulungan para itumba ng mga kalaban!
Nanglupaypay ang mga tagasuporta ni Senadora Grace Poe nu’ng Martes nang hapon nang ipahayag ng 2nd Division ng COMELEC ang pagkatalo niya sa botong 3-0 kaugnay ng petisyong ihinain laban sa kanya para madiskuwalipika sa pagtakbo sa panguluhan.
Kinukuwestiyon ang dalawang buwan na kulang sa kanyang residency, ayon sa batas ay kailangang makumpleto ng isang tatakbo sa panguluhan ang sampung taong paninirahan nang tuluy-tuloy sa kanyang bansa, nasilip ng COMELEC ang kakulangang dalawang buwan sa kanyang paninirahan sa Pilipinas.
Masalimuot ang takbo ng pulitika ngayon sa ating bayan. Napakaraming nasisilip, maraming kinukuwestiyon, maraming kinakasuhan.
Ayon sa kampo ng senadora ay unang sultada pa lang naman ng laban ang inilabas na desisyon ng COMELEC, malaya pa silang makapag-aapela, mahaba pang salaysayin ang isyu ng diskuwalipikasyon kay Senadora Grace para tumakbong pangulo.
Talagang nililigalig ng kanyang mga katunggali si SGP, kailangang bulabugin ang kanyang kandidatura, alam kasi ng mga ito na napakalakas ng laban ng senadora.
At ganu’n naman talaga ang senaryo kapag may pangako ng tagumpay ang isang pulitiko, ibinabagsak siya at pinagtutulung-tulungan, maligayang-maligaya ang kanyang mga kalaban na makita siyang nakalugmok at umuurong na sa salpukan.
Ang dami-daming istoryang lumulutang ngayon. Ayon sa mga kuwento-kuwento, ang tatlong miyembro raw ng 2nd Division ng COMELEC na nanghusga kay Senadora Grace Poe ay may kuneksiyon, sa iba-ibang dahilan at paraan, sa mga taga-Liberal Party.
Ganern?