ABS-CBN, pinangalanang Agora Marketing Company of the Year
MANILA, Philippines – Ang ABS-CBN Corporation ang itinanghal na Marketing Company of the Year sa katatapos lang na 2015 Agora Awards bilang pagkilala sa mga malikhain, makabago, at epektibong marketing campaigns nito.
Ang Marketing Company of the Year award ang pinakamataas at pinakaprestihiyosong parangal na iginagawad sa Agora Awards, na taunang ipinagkakaloob ng Philippine Marketing Association bilang pagkilala sa husay at galing ng mga kumpanya at indibidwal sa larangan ng marketing.
Tinalo ng ABS-CBN ang ibang kumpanyang nominado sa nasabing kategorya na dumaan sa isang mahigpit na judging process ng Agora Board of Judges.
Ayon sa ABS-CBN COO na si Carlo Katigbak, ang tagumpay ng ABS-CBN ay dahil sa patuloy nitong pagtataguyod sa mabuting kalooban ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga kampanya, programa, at proyekto nito.
“Ibinibida ng aming mga programa, kampanya, at proyekto ang kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino. Isang tunay na karangalan ang ibida ang totoong kayamanan ng ating bansa. Sa pamamagitan ng parehong tradisyunal at bagong media platforms, masaya kami sa pagbibigay ng inspirasyon sa aming mga manonood at tagasubaybay sa bansa, sa overseas Filipinos, at maging sa mga dayuhan sa buong mundo,” pahayag ni Katigbak.
Ilan lamang sa mga tagumpay ng ABS-CBN ay ang pagpoprodus nito ng karamihan sa top 20 programs sa bansa base sa datos ng Kantar Media, at ng mga pelikulang kumita ng higit sa ?100 milyon, kabilang na ang The Amazing Praybeyt Benjamin na siyang highest-grossing Filipino film sa kasaysayan.
Sa kabila ng patuloy na pangunguna ang ABS-CBN sa TV ratings at box-office, naging matagumpay din ito sa iba pang mga uri ng negosyo dahil sa layunin nitong paglingkuran ang mga Pilipino.
Isa lamang dito ang ABS-CBNmobile, na binibigyan ng ekslusibong access ang subscribers nito para mapanood ang mga programa ng ABS-CBN kahit saan man sila magpunta at kahit anong oras nila gusto.
Naging matagumpay din ang home shopping channel na O Shopping, at ang ABS-CBN TVplus o “mahiwagang black box” na handog ang malinaw na palabas sa TV at karagdagang channels para sa buong pamilya.
Ngunit ayon kay Katigbak, ang pinakamatagumpay na proyekto ng Kapamilya network ay ang kampanya nitong Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na noong 2013 na hinikayat ang mga Pilipinong magkaisa at tulungan ang mga biktima ng Bagyong Yolanda sa pamamagitan ng pagbebenta ng T-shirts at fund-raising concerts.
Simple man, nakakalap ito ng malapit sa P1 bilyong cash at in kind donations at natulungan ang higit sa 700,000 pamilya. Nakasentro ang rebuilding efforts ng ABS-CBN sa edukasyon, kabuhayan, at pabahay.
- Latest