Hindi droga o toma ang bisyo tisoy na hunk actor, kulang ang buhay ‘pag hindi nagpapamasahe na may extra service
Si Mr. Extra. Matagal nang nagbibida sa pelikula at telebisyon ang isang guwapong young actor, pero ang tawag pa rin sa kanya ng mga kababaihang nakakasalamuha niya ay Mr. Extra, may kuwento sa likod nu’n.
Hindi nakakaladkad ang pangalan ng young hunk actor na ito sa isyu ng mga bisyong kinahihiligan ng mga kabataan ngayon. Hindi siya lulong sa masamang bisyo ng pagdo-droga, hindi rin siya lasenggo, pero meron siyang kinahihiligang gawin.
Parang kulang ang kanyang buhay kapag hindi siya nakapagpapamasahe. ‘Yun ang kaisa-isang bisyo ng hunk actor, ihinahanap niya talaga ng panahon ang pagpapapisil sa buo niyang katawan, dahil madalas siyang pagod at puyat sa sobrang dami ng kanyang trabaho.
Tatlong iba-ibang spa ang madalas puntahan ng guwapong hunk actor. At sa lahat ng kilalang lugar na ‘yun ay isa lang ang deklarasyon ng mga nagmamasahe sa kanya, mahilig siya sa extra service, kaya nga siya tinatawag na Mr. Extra.
“Ang ibang kabataan, nagda-drugs, ang iba naman, umiinom nang sobra-sobra sa capacity nila, kaya puro kahihiyan ang inaabot sa social media.
“Ibahin natin si ____(pangalan ng tisoy na hunk actor), malinis sa kahit anong bisyo ang katawan niya, pero napakahilig niya namang magpamasahe.
“Massage ang buhay niya, parang hindi siya mapakali kapag hindi siya nakapagpapamasahe, hinahanap-hanap na ‘yun ng katawan niya,” kuwento ng aming source.
Pero mahilig nga siya sa extra service, bukod sa pagpapamasahe ay meron siyang hinihiling sa kanyang masahista, nakikiusap siya at hindi namimilit. Pero ang extra service na hinihingi niya ay hindi umaabot sa sukdulan, malayo ‘yun sa iniisip ng marami na ginagawa na niyang motel ang spa, hindi ganu’n ang tisoy na hunk actor.
“Mahilig siyang magpalinis ng tenga, may dala-dala na siyang cutips kapag nagpapamasahe. ‘Yun ang pampatulog niya,” kuwento ng aming source tungkol kay Mr. Extra.
Ubos!
Mga bata kawawa kaswal na pagmumura ni Mayor Duterte hindi na makatarungan
Napanood namin nang buung-buo ang pagdedeklara kay Mayor Rodrigo Duterte bilang opisyal nang manok sa panguluhan ng PDP-Laban. Sa una ay nakakaaliw pakinggan ang talumpati ng mayor ng Davao na napakatagal munang nagpabebe pero tatakbo rin naman pala.
Pero pagkatapos lang nang ilang minuto ay mapapapitlag ka na sa upuan mo, parang hindi ka na mapakali, dahil puro mura ang maririnig mong lumalabas sa kanyang bibig.
Ang katwiran ng pulitiko ay laking-kalye raw kasi siya, pero hindi namin binibili ang kanyang paliwanag, marami kaming kilalang pulitiko at malalaking tao sa lipunan na matatawag na street smart pero hindi naman mura nang mura na parang nagkukukot lang ng butong-pakwan.
Nakakaaliw ang kanyang mga sinasabi sa mga unang minuto lang, lantad kasi ang kanyang katapangan, pero kapag puro mura na ang maririnig mo ay ikaw na ang magpapatay ng telebisyon o lilipat ka na lang ng channel.
Tanong ng mga bata, ano raw ‘yung tunog na naririnig nila habang nagsasalita ang pulitiko, bini-bleep kasi ang ilang salita niya dahil namumulaklak nga sa pagmumura ang kanyang bibig.
Gusto rin namin ang pangulong matapang para masugpo ang kriminalidad, droga, at nakawan sa ating pamahalaan. Pero ayaw naman naming pamunuan ng isang palamurang pulitiko ang bansang ito.
Kung ang mga magulang nga natin na kung tutuusi’y may karapatan nang magalit na may kasamang pagmumura ay hindi gumagawa ng ganu’n, isang pulitiko pa kayang hindi naman natin kaanu-ano at may pabor pang hinihingi ang papayagan nating magmura nang magmura, ano ang magiging imahe ng bansang ito kapag siya ang naupo sa pinakamataas na posisyon?
Gagawin nang legal ang pagmumura sa harap at likod ng mga camera dahil ‘yun din ang ginagawa ng ating leader?
- Latest