Walang choice kontrabidang actor, nagpapaapi sa ka-live in na madatung

Bumibida sa isang umpukan ng mga taga-showbiz ang isang lalaking perso­nalidad na dati’y hindi nagpapahinga sa trabaho pero ngayon ay bihirang-bihira nang napapanood sa pelikula at telebisyon.

Kung wala ang mga tulad ng male personality na ito ay wala ring bida, sila ang mas nagpapalutang sa kabayanihan ng mga bidang artista, mahalaga ang papel na ginagampanan nila.

Dahil sa katumalan ng trabaho ay palaging kinakapos ang male personality, walang kasiguruhan ang kanyang buhay sa araw-araw, hanggang sa may makilala siyang businesswoman.

Ilang taon na silang magkarelasyon ngayon, pero maraming nagsasabing hindi siya maligaya, dahil para lang siyang tau-tauhan sa piling ng kanyang ka-live-in.

Sabi ng aming source, “Ang babae kasi ang may pera, kaya siyempre, kung sino ang mayhawak ng kabuhayan, siya ang nasusunod sa lahat ng bagay. Under na under siya ng girl, nagmumukha siyang ewan kapag magkasama sila, nakakaawa naman ang taong ‘yun.

“Hindi rin siya kasundo ng mga anak ng girl, kung maririnig n’yo lang kung paano siya lait-laitin ng mga anak ng karelasyon niya. Wala naman siyang choice, kailangan niyang tiisin ang lahat, dahil wala siyang pupuntahan,” komento ng aming impormante.

Totoo ang opinyon ng magkakaharap sa umpukan, kung gaano siya kabangis sa mga pelikulang ginagawa niya ay para naman siyang tupa sa poder ng karelasyon niya, under na under talaga ang character actor.

Huling komento ng aming source, “Siguradong hindi siya happy, malungkot ang personal life niya, pero wala siyang choice kundi ang magtiis. Kontrahin niya ang girl, ‘di pinulot siya sa kangkungan!”

Ubos!

Pagkatiwalag ni Kathryn sa INC hindi pa nareresolba

Sa isang okasyon ay ilang miyembro ng Iglesia Ni Cristo ang lumapit sa amin. Nagtatanong sila kung totoong si Secretary Mar Roxas ang ieendorso sa panguluhan ng kapwa nila miyembro ng INC na si Kathryn Barnardo.

Ang nag-post ng pagsuporta ng young actress sa manok ng partido Liberal sa panguluhan ay mismong si Ms. Korina Sanchez. Tulad ni Da­niel Padilla ay susuportahan din ni Kathryn ang mister ng news anchor, naging malaking isyu ang balita para sa mga kapatiran sa INC.

Bawal pala sa mga miyembro ng INC ang pag-eendorso ng kahit sinong pulitiko. ‘Yun ang dahilan kung bakit hindi umaakyat sa entablado de kampanya ang mag-asawang Christopher Roxas at Gladys Reyes, matindi ang pagpapahalaga nila sa doktrina ng INC, ang mga tagapangasiwa lang ng kanilang relihiyon ang may karapatang pumili kung sinu-sinong pulitiko ang dadalhin ng kanilang mga miyembro.

Sa tanong kung itiniwalag na ng INC si Kathryn ay wala pang kumpletong sagot ang mga nakakausap naming kapatiran ng young actress. Wala pa raw pormal na pahayag ng pagtitiwalag kay Kathryn pero sa kanilang pagkakaalam ay bihira nang dumalo sa mga gawin ng INC ang dalaga.

“Kapag may natitiwalag kasi, may pormal na pahayag tungkol du’n. Mula sa central hanggang sa mga lokal, ipinaaalam ‘yun. Pero wala pa kaming alam tungkol kay Kathryn kundi ang bibihira na lang siyang sumamba ngayon,” kuwento ng isang miyembro ng INC.

Dahil sa pag-eendorso ni Kathryn Bernardo kay Secretary Mar Roxas, may monetaryo mang kapalit ‘yun o wala, ay nakaabang ngayon ang mga miyembro ng INC kung anong aksiyon ang gagawin ng mga tagapamuno ng kanilang relihiyon.

Tanong ng marami ngayon—itiniwalag na ba bilang miyembro ng INC si Kathryn Bernardo kaya siya nagdesisyong iendorso ang manok ng Liberal Party o ititiwalag pa lang siya?

 

Show comments