MANILA, Philippines – Hindi na nakatiis si James Reid. Siguro kasi nainis na siya na pinalaki ang kuwento ng isang fan na umano’y nakikipag-landian at nakikipaghalikan siya kay Julia Barretto sa isang bar.
Pero maagang binura ni James ang nauna niyang sagot na “Give me a break. Does anyone really think would have sex in a bar/public place… Stupid,” bahagi ng buradong message ni James.
Ngayon kasi hindi na bina-background check ng mga namimik-up ng kuwento ang personality ng isang nagkuwento sa internet. Basta na lang nila pinapatulan. Hindi man lang na-verify kung totoo ang kuwento nang nag-post o hindi.
Sa rami nga naman ng trabaho ni James may time pa ba siyang mag-bar? Saka di ba ang kuwento, nai-in love na raw si James sa loveteam niyang si Nadine Lustre pero si Nadine daw ang nagpapapitik-pitik pa.
Anyway, may ilan ding nagduda na baka naman isang fan lang ni Julia ang may gawa nga ng story kasi ngayon parang wala raw ingay si Julia eh eere na ang kanilang serye ni Iñigo Pascual na And I Love You So. Eh ‘di ba nga ayon sa source, muntik pang mapalitan si Julia sa nasabing serye at nag-reshoot ng ilang eksena. Si Sofia Andres daw ang muntik pumalit ha.
Pero ang talagang ikinane-nega ni Julia ay ang tuluyan niyang pagtalikod sa amang si Dennis Padilla na sumuko na sa paghahabol sa kanyang apelyido.
Any moment ay magkaka-presscon ang And I Love You So, malamang may sagot na sa mga isyu si Julia.
UAAP Finals Game 2 at Pinoy Pride 34 magpapasiklab
Malaking sporting events ang nilinya ng ABS-CBN Sports ngayong weekend para sa mga manonood. Una ang Game 2 ng napakagandang Finals series sa ika-78 na season ng UAAP ngayong Sabado na ipapalabas ng live sa ABS-CBN, at ang Pinoy Pride 34: Back with a Vengeance naman na i-eere bukas, Linggo.
Masungkit na kaya ng FEU Tamaraws ang kampeonato pagkatapos ng ilang ulit na subok? O ibabalik ba ng UST Growling Tigers ang mahika ng kanilang pagkapanalo noong 2006?
Hindi naging mabait ang kapalaran sa dalawang eskwelahan sa mga nakaraang taon. Natalo ang FEU sa Ateneo noong Season 73 at sa NU noong nakaraang taon kahit na naipanalo nila ang unang laro sa serye. Ang UST naman ay nabigong pigilan ang Ateneo sa kanilang ikalimang-sunod na kampeonato noong Season 75 at sa La Salle nang sumunod na taon.
Magsisimula ang bakbakan pagkatapos ng individual awarding ceremony para sa MVP, Rookie of the Year, at Mythical team ng sabay sa ABS-CBN at ABS-CBN Sports + Action na gaganapin alas-dos ng hapon.
Hindi naman papahuli ang pag-ere ng Pinoy Pride 34 fightcard na pinamagatang Back with a Vengeance ngayong Linggo (November 29).
Panoorin sina Milan “El Metodico” Melindo at “King” Arthur Villanueva sa kanilang pagbabalik sa ring. Parehong galing sa talo ang mga boksingero ng ALA at gustong makabalik sa aksyon sa pamamagitan ng malalaking panalo.
Gustong patunayan ni Melindo na kaya pa niyang sumabay sa mga malalaking pangalan sa boksing pagtungtong niya sa ring sa Linggo. “Gusto kong ipakita na ako ang pinakamagaling sa ALA Gym,” aniya.
Samantala, si Villanueva naman, gustong makabawi sa nakakagulat na pagkatalo sa huling laban niya. “Andun pa rin yung pangarap kong maging world champion, at ipapaalam ko yon pag-apak ko sa ring sa Pinoy Pride 34,” sabi ng binata.