MANILA, Philippines – Sa loob ng maraming taon, patuloy pa rin sa pagbibigay ng walang humpay na kasiyahan at katatawanan ang award-winning comedy/gag show ng GMA Network na Bubble Gang. At dahil sa naging Friday night habit na ito na talagang minahal ng bawat Pilipino, sine-celebrate ng programa ang kanilang 20th anniversary sa temang, I Am Bubble Gang (IMBG).
Gamit ang temang IMBG, nais bigyang-halaga ng Bubble Gang hindi lamang ang cast, staff, at ang network kung hindi pati na rin ang lahat ng mga sumusuporta sa programa. Sa bawat episode ng Bubble Gang talaga namang sinasalamin nito ang mga gawi ng mga Pinoy at mga nagaganap sa lipunan kaya naman patok na patok sa mga manonood ang mga karakter tulad nina Yaya at Angelina, Tata Lino, Antonietta at Mr. Assimo.
Bagamat sa una’y hindi makapaniwala, lubos ang saya ng buong barkada ng Bubble Gang sa pagiging longest-running comedy show sa Philippine TV.
Sa kanilang 20th, isang commemorative gag book ang kanilang inihanda na may title na IMBG: I AM BUBBLE GANG (The Bubble Gang 20th Anniversary Commemorative Comedy Chronicles). Handog nila ito sa mga manonood na walang sawang nakikisaya sa programa.
Isa pang dapat abangan ay ang in-depth documentary na ieere ngayong Biyernes (Nobyembre 27). Sa tulong ng GMA News and Public Affairs na pinangungunahan nina Ms. Jessica Soho at Mr. Mike Enriquez, ipapakita rito ang lahat ng mga mahahalagang aspeto ng programa, kasama na rito ang buong cast at staff, gayundin kung paano naging bahagi na ng mga Pilipino ang Bubble Gang.