Naturales na pala ng isang magandang young actress ang kaartehan. Iisa ang tono ng mga salita ng kanyang mga nakakatrabaho—nang magsabog ng kaartehan ang langit ay naging sakim ang girl kaya nakasambot siya nang tone-toneladang kaartehan.
Ilang make-up artist na ang hindi nakatagal sa kanya, maagang nagpapaalam-nagpapapalit ang mga ito sa produksiyon, dahil hindi nila ma-take ang kaartehan ng magandang batang aktres.
Sabi ng isang source, “Sala siya sa init, sala rin sa lamig. Medyo mahila lang ng nagbo-blower sa kanya ang pang-commercial kuno niyang mahabang hair, nagta-tantrums na siya! Nagdadabog na siya, nanghahaba na ang nguso sa kasisimangot!”
Kuwento naman ng isa pang impormante, “Napakaarte niya, e, hindi naman siya makaarte nang tama! Napakasimple lang ng eksenang ipinagagawa sa kanya, papatayin lang niya ang lampshade dahil matutulog na siya, take 7 pa!
“Ewan naman sa hitad na ‘yun! Kahit nga batang maliit, e, kayang gawin ang magpatay ng lampshade, pero siya, inaabot pa ng take 7? Paano, kaartehan na naman ang umiiral sa kanya!
“Matutulog na lang siya, kailangang naka-blower pa nang husto ang hair niya? Magpapatay lang siya ng lampshade sa eksena, aayusin pa muna niya ang hair niya?
“Isang click lang, ganu’n lang kasimple, hindi pa niya magawa nang minsanan lang? Dumudugo na ang ilong ng director niya, waley pa rin!” naiinis na kuwento ng aming source.
Suggestion ng mga production people na katrabaho niya, magbalik muna uli sa pagwo-workshop ang batang aktres para wala siyang pinahihirapan sa taping. Kundi siya babalik sa lesson one, magpabantay na lang ng workshop facilitator sa set, para nasusubaybayan siya.
“Naku, walang nakuhang talent sa mga magulang niya ang batang ‘yun. Walang-wala!” komento pa ng source.
Ubos!
Ritz naiinip na sa career?!
Malaki na ang timbang na nawala kay Ritz Azul. Nakasama namin ang young actress sa radyo para sa pag-iimbita sa pinagtambalan nila ni Diether Ocampo sa Wattpad Presents, kitang-kita ang magandang hubog ng kanyang katawan na bumagay naman sa pumayat niyang mukha, pang-beauty queen ang kanyang dating.
May nagkuwento sa amin nu’n na mahilig magpapak ng tsokolate ang dalaga, ‘yun daw ang ginagamit niyang pampagising kapag magdamagan ang kanyang trabaho, kaya mabilis siyang lumaki.
Maganda ang prinsipyo ni Ritz, totoong naiinip siya kung minsan dahil wala pa siyang gaanong ginagawang proyekto sa TV5, pero wala siyang planong lumipat ng ibang network kahit patapos na ang kanyang kontrata sa istasyon.
“Gusto ko po munang kausapin ang mga executives para malaman ko kung ano ang plano nila para sa akin. Sa TV5 po ako nagsimula, sila ang nagbigay sa akin ng chance na maging artista, sila po ang priority ko palagi,” nakangiting komento ni Ritz.
Magaling umarte ang young actress, hindi niya pinahihirapan ang kanyang direktor, pinupuri rin siya ng staff and crew ng TV5 dahil wala siyang kaarte-arte sa katawan.
Lumang tao ang tawag kay Ritz ng aming mga kasamahan dahil manang na manang pa rin ang kanyang ugali hanggang ngayon. Laking-probinsiya kasi ang dalaga, sa bukid nakatira, sa mga eksenang hinihingi lang sa kanya tumatapang ang kanyang loob.
“Mahal na mahal ko po ang trabaho ko. Kung ano po ang kailangan kong gawin sa eksena, basta hindi ko mabibigyan ng kahihiyan ang parents ko, walang problema,” bukas ang isip na komento ng magandang dalaga.