‘Hindi man ako ganoong kagaling magsalita, may puso naman ako sa tao’
Naging kontrobersyal ang interview ni Alma Moreno sa programang Headstart ni Karen Davila sa ABS-CBN News Channel (ANC) kamakailan.
Marami ang bumatikos sa mga naging sagot ng aktres at marami rin ang pumuna sa istilo ng pagtatanong ng newscaster tungkol sa ilang batas at sa pulitika.
Kahit maraming narinig na negatibong komento si Alma ay hindi pa rin daw siya mapipigilang tumakbo sa pagka-senador sa nalalapit na eleksyon.
Marami ang kumuwestyon sa aktres sa hangarin nitong maging senador ng bansa kung sakaling palaring mananalo sa halalan. Ano kaya ang reaksyon ni Alma sa mga sinasabi ng kanyang online bashers? “Huwag muna ngayon. Darating ang araw na magpapa-interview ako. Hayaan na muna ang bashers. Ako po si Alma Moreno, may pinagdaraanan po. Siguro naman napanood n’yo sa TV. Pero lumalaban pa rin. Hindi man ako ganoong kagaling magsalita, may puso naman ako sa tao,” maikli pero makahulugang pahayag ni Alma.
Lyca sa international school nag-aaral, todo-praktis mag-english
Nabawasan na ang kaba ni Lyca Gairanod kapag kumakanta sa harap ng maraming tao. Marami nang natutunan si Lyca mula nang manalo sa The Voice Kids noong isang taon. “Parang hindi na ako kinakabahan masyado pero hindi naman natatanggal sa tao ‘yung kaba. Kasi kung hindi ka kakabahan parang iisipin mo na magaling na kayo pero sa isip ng mga tao parang hindi mo pa kayang gawin ‘yung matataas na notes. Kaya hindi dapat talaga natatanggal ang kaba sa akin,” nakangiting pahayag ni Lyca.
May ilang bagay na rin ang nabago sa mga ginagawa niya ngayong katatapos pa lamang niyang magdiwang ng kanyang ika-11 na kaarawan. “Parang hindi na bagay sa akin ‘yung maglaro, dapat ‘yung magbasa-basa na po at mag-alaga sa kapatid ko. At saka huwag nating kalimutan na ang pagbabasa kasi kung hindi ka marunong magbasa, paano mo mababasa ‘yung mga gusto n’yong matutunan? Ang binabasa kong book ngayon ‘Talking English’. Nag-aaral kasi ako ngayon sa Eton International School,” kwento ng bata.
Abala man sa pagkanta si Lyca ngayon ay sinisikap pa ring mag-aral ng bata. “Favorite subject ko ang math. Kasi para po maisip mo ‘yung mga plus tapos mga equals. Pinakamahirap din para sa akin ‘yung multiplication sa Math. Ang madali ‘yung mga plus pero pinag-aaralan ko naman din po ‘yun,” dagdag pa niya.
Samantala, nangangarap si Lyca na maka-duet ang ilan sa hinahangaan niyang international artists. “Si Ariana Grande talaga at saka Maroon Five. Tapos si Jessie J, gusto ko talagang maka-duet. Gusto ko rin kasi ‘yung mga kanta nila. At saka ‘yung One Direction. Sa local marami kasi akong hindi pa nakakasama. Nakasama ko na ‘yung favorite ko si Sarah Geronimo. Sobrang saya ko na ‘yun, ‘yung wish ko na natupad kaya sobrang happy ako,” pagbabahagi ni Lyca.
- Latest