Kaliwa’t kanang pagbabanta ng paninira ang tinatanggap ngayon ng isang male singer mula sa pamilya ng kanyang karelasyon na nagdadalantao.
Palibhasa’y mga bata pa ay naging mapusok silang pareho, nagbunga ang madalas nilang pagbiyahe sa langit ng kaligayahang pisikal, pinanindigan ng male singer ang sitwasyon ng babae.
Aakuin niya ang bata, gagawin niya ang lahat ng magagawa niya para maging maayos ang sitwasyon ng kanyang mag-ina, tutuparin niya ang obligasyong dapat gawin ng ama para sa kanyang anak.
Wala na sanang problema, pero isang araw ay hindi na kinaya ng male singer ang sobrang paghawak ng babae sa kanyang leeg, palagi silang nagtatalo-nag-aaway dahil sa pagiging mahigpit at selosa ng babae.
Kesa sa mauwi pa sa malalang sitwasyon ang madalas nilang hindi pagkakasundo ay nagdesisyon silang maghiwalay. Paninindigan pa rin ng male singer ang kanyang responsibilidad sa bata.
Pero binubulabog ng babae at ng ina nito ngayon ang male singer. Kung anu-anong masasakit na salita ang ipinakakain sa kanya, sinisiraan din siya ng mag-ina sa kanilang mga kaibigan, wasak na wasak ang kanyang imahe ngayon.
Galit na galit na ang manager ng male singer. Ilang taon nga naman nitong inalagaan ang male personality at ngayong nagbubunga na ang kanyang pagtitiyaga ay saka naman sisirain ‘yun ng mga taong ni katiting na tulong ay walang nagawa para sa pangarap ng lalaking personalidad?
Hindi ito makapapayag. Isang araw, kapag hindi pa rin tumigil sa paninira ang mag-ina ay magpapa-presscon na ang manager ng male singer, magsasalita na nang kilometrikong litanya ang manager bilang pagtatanggol sa kanyang alagang male singer.
Ubos!
Walang pamimilian, Kris pwede lang kaaliwan o kamuhian!
Totoo ang komento ng isang nakausap namin tungkol sa pagkatao ni Kris Aquino—it’s either you love her or you hate her. Extremes ang pamimilian. Walang middle ground.
Kung gusto mo si Kris ay kaaaliwan mo ang kanyang mga pinagsasasabi at pinaggagagawa kahit pa kahihiyan na para sa kanyang imahe ang katumbas nu’n.
Kung ayaw mo naman kay Kris ay wala kang makikitang maganda sa kanyang mga aksiyon at pinagsasasabi. Itatapon mo ‘yun sa basurahan, magiging bulag ka kahit may katotohanan naman ang kanyang tinutukoy, wala ka talagang bibigyan ng importansiya sa kanyang mga ginagawa.
Kesehodang paulit-ulit pa siyang magsalita nang masakit para sa mayorya at pagkatapos ay magso-sorry agad-agad ay hindi mo kaiinisan si Kris kung gusto mo siya.
Pero kung sa simula ay kontra ka na talaga kay Kris, ang kanyang mga sinasabi at ginagawa ay isang malaking kaartehan, kahitaran at pagiging bratty.
Aakusahan mo siya, mumurahin mo, sasabihin mo siya na bigyan naman sana niya ng kahihiyan ang kanyang pamilya kung wala man siya nu’n para sa kanyang sarili.
Pero kung love mo si Kris ay wala kang makikitang mali, kaaaliwan mo ang kuwento ng kanyang sunburn, lahat ng sasabihin niya ay ituturing mong tama dahil siya ang sumasalamin sa ating lipunan.
Kanan at kaliwa lang ang puwede mong pamimilian kapag si Kris Aquino na ang paksa. Hindi mo puwedeng piliin ang gitna, dahil kahit sa kalye, ang pumapagitna ay nasasagasaan.