Bitin sa tatlong takal na rice... Magandang actress-TV host sinasaid pati tira-tirang pagkain sa shooting

Napakaganang kumain ng isang magandang actress-TV host. Palagi siyang pinagkukuwentuhan ng kanyang mga kapwa artista at utility nu’ng nagtatrabaho pa siya sa isang mala­king network.

Hindi kailanman sumakit ang kanyang ngipin dahil sa sobrang gana niyang kumain. Nagugulat ang marami sa pagkonsumo niya ng tatlong tasang kanin, para siyang pagod na pagod na karpintero kung kumain, mas malakas siya sa rice kesa sa ulam.

Nu’ng unang ma-assign ang isang utility sa show kung saan siya kabilang ay gulat na gulat na nagtanong ang utility man sa kanyang kasama, “Si ____(pangalan ng mestisang actress-TV host) lang ba ang mag-isang kumakain nu’n o may mga kasama pa siyang kasalo? Ang lakas-lakas kasi niya sa kanin!”

Natawa lang ang tinanong, “Sanay na kami sa kanya. Kaya ngayong alam mo na kung gaano siya kalakas kumain, huwag mo na siyang bibigyan ng isang takal lang ng kanin. Hihingi pa siya uli, dalawa pa, huwag ka nang magpakapagod. Bigyan mo na siya agad ng tatlong takal!”

Ang ipinagtataka ng kanyang mga kasamahan sa produksiyon ay hindi naman siya tumataba nang husto. Maganda pa rin ang kanyang katawan. Mabilis daw kasi ang kanyang metabolismo.

Nu’ng bata-bata pa pala siya ay palaging ang tisay na actress-TV host ang tagaubos ng pagkain ng mga kasamahan niyang teenstars. Talagang siya ang tagapagtapos ng laban, kinakain niya ang mga tira-tira ng kanyang mga kaibigan, aliw na aliw sa kanya ang mga kabataan.

Ang tanong, sa kanilang bahay raw kaya ay nakakailang sandok ng kanin ang magandang actress-TV host? Natural lang na nahihiya pa siya sa taping o shooting, kaya ang pang-uusisa ng kanyang mga katrabaho, paano pa siya sa sarili niyang tahanan?

Huling komento ng aming source, “Kapag nawawalan ka ng ganang kumain, sabayan mo siya, siguradong gagana ang tastes buds mo sa sarap niyang kumain!”

Ubos!

Nakatatak na sa bashers Sen. Nancy Binay pinersonal at pinulitika raw si Sen. Grace Poe

Sanay na sanay na si Senadora Nancy Binay sa paglunok ng mapaklang apdo sa social media. Mula pa nang kumandidato siya ay kinuwestiyon na ang kanyang kapasidad, pati ang kanyang pananamit ay paboritong pulutan ng mga netizens, pero mukhang mas matitindi ang mga salitang ibinabato ngayon laban sa senadora.

One-plus-one lang ang pagboto niya laban kay Senadora Grace Poe sa pagkandidato sa panguluhan. Anak siya ni VP Jejomar Binay na mahigpit na kalaban ang turing kay SGP, hindi nanaisin ni Senadora Nancy na matalo ang kanyang ama, kaya kung wala si Senadora Grace ay mas malaki ang posibilidad ng pagwawagi ng kanyang tatay.

Pero hindi ganu’n ang pagtanggap ng mas nakararami nating kababayan sa naging aksiyon ni Senadora Nancy, tinatawag siya ngayong maramot, mapulitika, namemersonal at kung anu-ano pang negatibong paghusga.                  

“Alam niya sa sarili niya na tunay na Pilipino si Senator Grace, na walang kasalanan ang pagiging ampon niya sa pagkandidatong presidente, pero mas pinairal ni Senator Nancy ang pamemersonal at pamumulitika,” isa lang sa mga mensaheng mababasa sa social media laban sa senadora.

Sa panggigipit at pambubusisi sa tunay na citizenship ni Senadora Grace Poe ng mga kalaban ay parang naging dagdag boto pa ‘yun para sa kanya. Naging positibo para kay SGP ang pangangalampag sa kanya, mas napalapit ang puso ng sambayanan sa batang foundling, siguradong hindi na mapakali ngayon sa kani-kanilang upuan ang mga katunggali ni SGP sa darating na halalan.

Sabi ng isang kaibigan naming iyak nang iyak nang makakuha ng botong 5-4 si SGP sa Senate Electoral Tribunal, “Saktan mo na ang isang matanda at maiintindihan ka pa ng ibang tao. Pero huwag na huwag mong kakantiin ang anak, lalo na ang isang ampon na walang kalaban-laban, dahil siguradong ipagtatanggol siya ng buong bayan.”

Kopyang-kopya.

Show comments