MANILA, Philippines – Talaga namang to the highest level ang energy ni Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid sa unang gabi ng kanyang concert series na pinamagatang Regine at the Theater noong Nob. 6. Hindi mo aakalaing 45 years old na ang Songbird sa quality ng kanyang boses. Birit kung birit talaga at hataw siya sa mga kinanta na mostly ay pang-teatro.
Sosyal na sosyal ang set ng stage pati na ang lighting. I Am What I Am mula sa Broadway musical na La Cage aux Folles ang unang kinanta niya. Napaka-light ng ambiance sa concert at nasa mood makipagkulitan si Regine sa kanyang audience. Sumayaw-sayaw naman siya sa kantang I Could Have Danced All Night mula sa My Fair Lady.
Hindi naman nagpahuli ang guest niyang si Aicelle Santos na nakibirit ng mga kanta mula sa Miss Saigon. Mapapalunok ka naman sa performance niya ng Halik ng Aegis mula sa Rak of Aegis musical.
Isa rin sa masasabing highlight ng concert ang pagdala niya sa panganay nila ni Ogie Alcasid na si Baby Nate sa stage. Kinantahan niya ito ng Tomorrow mula sa musical na Annie na siyang paboritong kanta ng bagets. Medyo mahiyain lang si Nate na animo’y mangha sa rami ng fans ng kanyang ina.
Mapapasabay ka rin sa pagkanta niya ng For Good at Defying Gravity na siyang naging huling kanta para sa first part ng show.
Sa muling pagbukas ng tabing ay panggulat na agad ang performance nila ng kanyang musical director at brother-in-law na si Raul Mitra ng kantang Phantom of the Opera. Mabibigla ka sa rami ng fans ng musical director na humihiyaw mula sa audience.
Isa naman sa mga paborito ko ay ang performance niya ng On My Own mula sa Les Misérables.
Pero hindi lahat ng kanta ay pang-Broadway, may tribute rin siya sa OPM songs tulad ng Awit Ni Isagani ni Ryan Cayabyab at mula sa musical na El Filibusterismo. Para ka namang nag-time travel sa performance nila ng original Crisostomo Ibarra na si Audie Gemora ng kantang Paalam Na Pag-ibig mula sa musical na Noli Me Tangere. Grabe, nakakaiyak dahil damang-dama ang kanilang mga emosyon sa sagutan sa pagkanta.
Climb Every Mountain mula sa The Sound of Music ang finale niya na sobrang pinalakpakan ng mga manonood.
At bilang pahabol sa request ng nagkukumahog na fans, nag-medley si Regine ng mga kanta mula sa musical na Dream Girls na One Night Only at And I Am Telling You I’m Not Going.
Ibang-iba ang concert na ito ni Regine na nakakagulat dahil karamihan sa mga nanood ay nasa edad early 20s to mid-30s. Pero siyempre hindi pa rin mawawala ang loyal fans niyang may edad na. Ang lakas pa rin talaga ng hatak ng nag-iisang Songbird natin!
Sa mga gusto pang humabol, mapapanood pa ang pagbirit ni Regine sa November 20 at 21 sa The Theater ng Solaire Resort and Casino.