ABS-CBN wagi ng 23 CMMA awards

MANILA, Philippines - Nagwagi ng 11 na parangal ang ABS-CBN sa television categories sa gina­nap na 37th Catholic Mass Media Awards (CMMA) kamakailan. Kabilang sa mga napanalunan ang Best News Program para sa The World Tonight ng ABS-CBN News Channel (ANC), Best Children and Youth Program para sa Nathaniel, Best Public Service Program para sa Mission Possible, Best TV Ad–Public Service para sa promotional material na Thank You Sa Malasakit, Pope Francis ng ABS-CBN Creative Communications Management ka-tie ang kampanyang Panguma ng ABS-CBN Cebu na tumatalakay sa pagbubukid.

Binigyan naman ng Special Citations ang TV Patrol Visayas ng ABS-CBN Cebu para sa News Program category at Docucentral’s Ang Mabuting Pastol: Pope Francis sa Pilipinas, Thank You sa Malasakit: Pope Francis sa Pilipinas, at Mukha: Pagsisikap para sa Special Coverage at News Magazine categories. May special citation din ang Ryan Ryan Musikahan: Home for Christmas ng Jeepney TV at Docucentral: Ako at ang Papa para sa TV Special category.

Maging ang AM radio station ng ABS-CBN na DZMM ay nag-uwi rin ng mga tropeo. Panalo bilang Best News Commentary ang Failon Ngayon sa DZMM habang itinanghal namang Best Drama Program ang DZMM Lenten Drama Special. Ginawaran din ng award bilang Best Entertainment Program ang Dr. Love Always and Forever at Salitang Buhay bilang Best Counseling Program habang ang DZMM Red Alert ay ginawaran ng special citation para sa Educational Program category.

Tumanggap din ang Kapamilya network ng parangal sa music categories dahil sa pagkapanalo ng kanta ni Jamie Rivera na We Are All God’s Children bilang Best Music Video at Best Inspirational Song kasabay ang dalawang Special Citations para sa Inspirational Album at Secular Song categories. Ang kantang ito na nilikha ng Star Music ay isinulat para sa pagbisita ni Pope Francis noong nakaraang Enero. Ang kantang Ipagpatuloy Mo Galing Ng Pilipino ni Gary Valenciano naman kasama ang anak na si Gab Valenciano, na prinoduce din ng Star Music, ay nanalo bilang Best Secular Song.

Samantala, napanalunan naman ng Star Ci­nema, kasama ang TEN17 Productions ni Paul Soriano, ang Student’s Choice for Best Film para sa Kid Kulafu kung saan kinuwento ang kabataan ng pambansang kamao na si Manny Pacquiao.

Ang CMMA ay inoorganisa ng Archdiocese ng Manila at iginagawad sa media --- mapa- telebisyon, radyo, pelikula, musika, advertising, o press --- na hinuhubog ang kagandahang-asal ng mga Pilipino sa pamamagitan ng propesyunal na paggamit ng mass media at pagpapalaganap ng Christian va­lues.

 

 

Show comments