Kung mga kuwento-kuwento lang ang pagbabasehan ay parang OA ang mga istoryang naglalabasan ngayon tungkol sa isang magaling at guwapong aktor.
Iisipin mong nagsasamantala lang ang iba para makisakay sa isyu, nakikisahog lang sa mga usapan, pero wala naman silang pinanghahawakang ebidensiya.
Pero sumusumpa ang mga kasamahang artista at katrabaho ng magaling at guwapong aktor, hindi pa siya puwedeng isalang sa harap ng mga camera, kailangan pa niya ng mahaba-habang panahon ng pamamahinga sa kanyang career.
Magaling makisama ang isang aktor, kaya nitong makisayaw sa tugtog, mahaba ang pisi ng pasensiya ng nasabing aktor na minsang nakisakay sa trip ng kanyang kasamahan.
“Nasa kotse sila nu’n ni ____(pangalan ng magaling at guwapong aktor), nagpapatugtog lang siya, walang naiintindihan ang nakisakay na aktor dahil magulo ang tugtugan na parang mga demonyo ang nagkakantahan.
“Maya-maya, nagsindi siya ng sigarilyo, ang sabi niya, ‘Nakikita mo ba ang usok na ‘yan? Kaluluwa ko ‘yan, gusto niya ng freedom.’ Okey lang ang kausap niya, pero medyo natatakot na rin, gusto na niyang bumaba sa kotse dahil baka ang kasunod na nu’n, e, pagsakal sa kanya.
“Hindi pa talaga siya puwedeng magtrabaho, talagang makakaaway niya ang lahat dahil wala pa siyang disiplina, okey lang ang naging decision ng production na isumbong na sa mga bossing ng network ang mga pinaggagagawa niya,” komento ng aming source.
Nakapanghihinayang na pagkakataon. Nasa kanya na ang lahat-lahat, binigyan pa siya ng ikawalang pagkakataon ng kanyang network, pero binalewala pa rin niya.
“Nagagalit siya kapag tinatawag na ng staff, maingay raw kasi, ayaw na ayaw raw ng mga imaginary friends niya na nabubulabog sila,” huling sundot pa ng aming source.
Ubos!
Maganda na raw magaling pang umarte Andi puring-puri ng mag-asawang Direk Carlo J. at Donna Villa
Sobra ang pagka-miss ng lokal na aliwan sa mag-asawang Direk Carlo J. Caparas at Tita Donna Villa. May ginagawa man silang proyekto o wala ay nananatiling Darling of The Press ang mga prodyuser ng Golden Lion Films.
Ibang-iba kasi ang naitanim nilang pagkakaibigan sa enterainment press. Wala silang sinisino, lahat ay pantay-pantay sa kanilang pagtrato, ‘yun ang katangiang hanggang ngayo’y walang makaaagaw sa mag-asawa.
Sa pamamagitan ng Angela Markado na dating ginampanan ni Hilda Koronel ay muling nakasama ng mga reporter sina Direk Carlo at Tita Donna. Si Andi Eigenmann na ang bida ngayon sa kuwentong isinulat din ng direktor na itinuturing na Hari Ng Komiks.
Natawa kami sa komento ng isang kasamahan naming reporter, “Mas excited akong makita sina Direk Carlo at Tita Donna kesa sa mga artista nila.”
Ganu’n na ganu’n nga, hindi lang isang kapwa manunulat ang nagsabi ng ganu’n sa amin, maraming-maraming nagmamahal sa mag-asawa. ‘Yun ang klase ng pagmamahal na kusang ibinibigay sa kanila ng mga manunulat.
Sabi ni Tita Donna, “Uy, napakagaling umarte ni Andi, palagi siyang take one. Saka wala siyang kaarte-arte, kung ano ang ipinagagawa sa kanya ni Carlo, bigay na bigay siya! Magaling ang bata, may pinagmanahan siya!”
Angela Markado, unang pinagpistahan ng ating mga kababayan sa komiks, ngayon ay dalawang beses nang isinalin sa pelikula. Isang malaking bentahe ito ni Andi Eigenmann para makaungos sa kanyang mga kasabayan.
“Maraming artistang magaganda, pero iilan lang ang maganda na, nakaaarte pa,” sabi ni Direk Carlo J. Caparas.