Pasok sa Top 7 ng The X Factor UK ang Pinay group na 4th Impact kaya kasama na sila sa live tour ng seven finalists sa 2016.
Malaking opportunity para sa 4th Impact na makasali sa live tour dahil makatutulong ito sa kanilang singing career.
Limang buwan nang naninirahan sa London ang Cercado Sisters mula nang sumali sa sikat na talent search show kaya miss na miss na nila ang Pilipinas.
At dahil kasali sa live tour sa 2016, extended ang pananatili nila sa United Kingdom.
AiAi at Vic walang angal kahit kapantay sa billing si Yaya Dub
Lumabas na ang official poster ng My Bebe Love at ang equal billing ng pangalan ng mga artista ang napansin.
Sina AiAi delas Alas at Vic Sotto ang stars ng My Bebe Love at kasama nila sa pelikula ang loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza.
Ipinakikilala sa My Bebe Love si Maine pero kapantay ng mga name nina AiAi, Bossing, at Alden ang billing ng kanyang pangalan.
Ganyan ka-generous sa mga baguhan sina AiAi at Vic. Hindi sila maramot sa pagtulong sa mga newcomer at hindi isyu sa kanila ang equal billing ng mga pangalan nila.
Bukod sa bonggang billing, malaki ang exposure nina Alden at Maine sa pelikula na hinuhulaan na magiging number one sa box-office race sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF) na opisyal na magsisimula sa December 25.
Sen. Grace ipinasasa-Diyos ang resulta ng disqualification case
Ngayon ang inaasahan na paglalabas ng desisyon ng Senate Electoral Tribunal (SET) tungkol sa disqualification case na isinampa laban kay Senator Grace Poe.
Nagpakatotoo si Mama Grace sa nararamdaman nito na tao lamang siya na kinakabahan sa magiging desisyon ng SET tungkol sa kanyang presidential candidacy.
Likas na madasalin si Mama Grace kaya ipinagdarasal din niya ang mga tao sa SET na magpapasya sa kaso niya.
Kasama ni Mama Grace sa pagdarasal ang kanyang nanay na si Susan Roces at ang mga supporter niya. Matatag na babae si Mama Grace. Kung anuman ang magiging desisyon ng SET, siguradong haharapin niya ito.
Alma hindi naisalba ni Winwyn sa ‘kahihiyan’
Hindi ko napanood ang guesting ni Alma Moreno sa talk show ni Karen Davila kaya wala pa akong masasabi sa mga naririnig ko na paghuhusga sa kanya.
Basta ang alam ko, tutol ang anak ni Alma na si Winwyn Marquez na kumandidato siya bilang senador dahil sa kanyang sakit na Multiple Sclerosis.
Bawal sa mga Multiple Sclerosis patient ang ma-stress at mapagod or else, susumpungin sila ng kanilang karamdaman.
Walang nagawa si Winwyn dahil itinuloy ni Alma ang pagkandidato sa ilalim ng partido ni Vice President Jojo Binay. Nagpa-check up muna si Alma sa kanyang doktor at dahil maganda ang resulta, sumabak siya sa pagtakbo.
Labag man sa kalooban ng mga anak ni Alma ang pagkandidato nito, susuportahan nila ang senatorial bid ng kanilang ina kaya tiyak na makikita natin si Winwyn at ang kanyang mga kapatid sa mga campaign sortie ng UNA.
Hindi bago kay Alma ang pag-iikot sa buong Pilipinas dahil matagal na niyang ginagawa ito. Siya ang presidente ng Philippine Councilors League at kasali sa mga obligasyon niya na bumisita sa maraming bayan at probinsya.
Bukod kay Alma, kandidato rin ang kanyang anak na si Vandolph at ang dating stepson na si Jeremy Marquez. Tatakbong konsehal si Vandolph at Vice Mayor si Jeremy sa Parañaque City.