Masamang-masama pala ang loob ng isang male personality sa isang kilalang beki. Kung ang tatanungin ay ang aktor, para sa kanya ay dapat lang na mawalan na ng ningning ang pangalan ng beki, dahil sa mga paninirang ginawa nito sa kanya.
Nu’ng una ay magkakaibigan pa ang lalaking personalidad, ang beki at ang karelasyon ng aktor, hanggang sa isang araw ay naramdaman na lang ng male personality na tumabang na sa kanya ang taong dati’y buung-buo ang tiwala at pagmamahal sa kanya.
Walang kaalam-alam ang aktor na winawasak pala siya nang pailalim ng beki, sulsol ito nang sulsol sa kanyang karelasyon na hiwalayan na siya, dahil isa raw siyang manggagamit.
“Ikinuwento pa ni beki na ang dami-dami nang nakarelasyon ni ____(pangalan ng aktor), na ginamit lang niya ang lahat ng ex niya, hanggang sa maniwala na nga ang ka-live-in niya sa mga pinagsasasabi ng beki.
“Ayun, nauwi sa hiwalayan ang relasyon nila, nagtagumpay ang matsutsung beki, kaya ganu’n na lang ang sama ng loob ng guy sa beking ‘yun!” agarang kuwento ng aming source.
Pagkatapos nang ilang taon ay lumamlam na ang career ng beki. Natapos din ang pamamayagpag nito. Bigla itong nawala sa eksena nang may sumikat na mga personalidad na nagpakain sa kanya ng alikabok at nagtulak sa kanyang kayabangan sa kangkungan.
Hindi lang siya nagsasalita, pero ramdam sa male personality ang pagkatuwa sa pagsemplang ng career ng beki, naging biktima kasi siya ng madulas na dila nito sa paninira sa kung sinu-sino.
“Maraming inis sa beki ngayon, ibang klase kasi siyang manglait at manira, ngayon siya magyabang at magmaangas, ngayong kumukupas na ang ningning ng bituin niya,” kuwento pa ng aming impormante.
Ubos!
AlDub nang-aaliw ng mga nata-traffic sa EDSA
Nakakabuwisit ang sobrang traffic sa kahabaan ng EDSA. Mistulang malawak na parking lot talaga ang highway na direktang dinadaanan ng mga kababayan natin papunta sa kanilang mga destinasyon.
Nu’ng Miyerkules kami kinapos ng pisi ng pasensiya, tatlong oras kaming bumabad sa kalye dahil sa karera ng mga pagong sa EDSA, samantalang dati’y tinatakbo lang namin nang wala pang isang oras ang Valenzuela hanggang sa opisina ng TV5 sa Mandaluyong.
Hinarangan kasi ng mga orange na barandilya ang ilang bahagi ng highway, ganu’n daw ang gagawin kapag dumating na sa bansa ang mga tagapamuno ng iba-ibang nasyon para sa APEC Summit, napakalaking abala nu’n sa mga motorista at mananakay.
Litanya nang litanya ang mga pulitikong tumatakbo sa mataas na posisyon na aayusin daw nila ang sistema ng ating bayan, pati raw ang palaging nasisirang MRT ay magiging maayos na, paano kaya nila maiaayos ang ating bansa kung sa traffic nga lang ay bulilyaso na sila?
Walang motoristang nakangiti, lahat ay napapamura, ang iba nama’y nagkakamot na lang ng ulo dahil sa buhul-buhol na traffic. Ewan, para lang mapahanga nila ang mga leaders ng iba-ibang bansa ay hindi bale nang maperhuwisyo tayong mga Pinoy, ito ang sinasabi nilang tuwid na daan.
Sabi ng isang kasamahan namin sa TV5, “Mapapamura ka talaga, ang dating binibiyahe mo nang treinta minutos lang, dalawang oras na ngayon. Nakakabagot! Mabuti na lang at may nang-aliw sa akin kanina habang inis na inis ako sa biyahe.
“Inabutan ako nang siyam-siyam na traffic sa tapat ng billboard ng AlDub para sa softdrinks commercial nila. Ang laki-laki, ang ganda-ganda, kundi dahil kina Alden Richards at Maine Mendoza, e, namura ko na siguro ang mga traffic enforcers na puro nganga!” kuwento ng aming kasamahan.
Maya-maya lang ay nakita ng aming katrabaho, nagbabaan na ang mga pasahero ng isang bus, ang akala nito ay maglalakad na lang ang mga sakay pero bumaba lang pala sila para mag-selfie sa tapat ng malaking billboard ng AlDub.
Haaay, naku!