Kilalang personalidad kumakabog ang dibdib sa mga matrona

Naging paksa isang gabi sa isang umpukan ang isang kilalang lalaking personalidad. Nu’n pa man palang kabataan niya ay mahilig na siyang makipagrelasyon sa mga babaeng may malaking agwat ang edad sa kanya.

Ayon mismo sa kanyang mga kaibigan, paradahan mo man ng naggagandahan at nagseseksihang bagets ang male personality ay wala siyang panahon, deadma lang siya.

Pero kapag nakakakita na siya ng mga babaeng halos tiyahin na lang niya ay kumakabog ang kanyang puso, malakas ang atraksiyon sa kanya ng mga babaeng mas may edad, ‘yun ang kumukumpleto sa kanyang kaligayahan.

Nag-aaral sa iba-ibang bansa ang male personality, magkakasama sila sa dorm ng ilan nating kababayan, manghang-mang­ha ang mga ito dahil ang dinadalang babae ng kilalang lalaking personalidad sa kanilang dorm ay halos parang nanay na niya.

“’Yun talaga ang hilig niya, ‘yung parang mga matrona na. Ima­gine, nasa ibang bansa ka na naggagandahan ang mga girls, game na game kahit mga bata pa, pero ang karelasyon niya, matatanda na?

“Sa estado niyang ‘yun, walang papatol na bagets sa kanya? Milyonaryo ang pamilya nila, kilalang-kilala sila sa lipunan, kahit sa panaginip lang, maiisip mo na walang tatanggi sa kanya, ‘di ba?

“Pero walang makapagpapabago sa panlasa niya, old women talaga ang type niya, kung bakit wala siyang naging karelasyong mas bata sa kanya o ka­edad man lang niya, ‘yun na talaga siya!

“Kulang kaya siya sa pagmamahal ng nanay? Bakit matatanda ang nakakarelasyon niya? O baka naman gustung-gusto niya nu’ng bine-baby siya?” sundot pa ng aming source.

Ubos!

Katapatan ni Sen. Grace ramdam sa kanyang boses

Kung alam lang ni Senadora Grace Poe na ganito ang kahihinatnan ng kanyang kadidatura sa panguluhan, siguro’y hindi na niya tinanggap ang alok, siguro’y tutuldukan na lang niya ang lahat sa pagiging senadora.

At dahil ramdam ng kanyang mga katunggali na malakas siyang kalaban, na siya ang minamanok ng ating mga kababayan, nagkakagulo ngayon ang iba’t ibang kampo sa inten­siyong ibagsak siya at mawala sa hanay ng mga maglalaban-laban.

Sabi ng isang nakausap namin, “Sa boses pa lang ni Senator Grace, ramdam mo nang napaka-sincere niya. Lutang ang talino niya, ang kagustuhang makapaglingkod, totoo sa sarili niya ang pagbibigay ng isang bagong umaga.”

Ayon kay Senadora Grace ay handa siyang sagutin ang lahat ng mga tanong na ibabato laban sa kanya, wala siyang uurungang pambubusisi, dahil hindi lang ang kanyang sarili ang isinasalba niya kundi ang magandang pagkakataong makapaglingkod sa milyung-milyon nating kababayang sumusuporta at naniniwala sa kanya.

Nakapanghihina ng loob para sa kanyang mga tagasuporta ang umiikot na kuwentong nakaplantil­ya na ang kanyang disqualification. Pati ang mga gustong sumuporta sa kanya ng pinansiyal ay nagdadalawang-isip dahil baka nga isang araw ay sa pagkakadiskuwalipika lang niya sa laban ang kauuwian ng lahat.

Sa mundo raw ng pulitika, kapag walang nasi­silip na butas ang kalaban ay sadyang gumagawa ng butas ang mga ito para masilip, lumuwag lang ang daan nila papunta sa Palasyo.

“Nakakaawang bata. Pero mas naaawa ako sa mga kababayan natin na sana’y makakatanggap ng tulong at paglilingkod mula sa kanya,” sabi na lang ng isang kaibigan naming propesor.

 

Show comments