Nilalayuan na ng kanyang mga kaibigan ang aktor mula nang maging artista ito dahil nagbago na ang ugali niya.
Dati nang OA ang aktor pero tumindi ang kaartehan niya nang maging artista at magkaroon ng sunud-sunod na project.
‘Yun nga lang, hindi naging sikat na sikat ang aktor dahil one of those lamang siya sa kinabibilangan na television network.
Pero kesehodang hindi sikat, feeling superstar ang aktor na may acting na ang bawat kilos at pagsasalita kahit hindi siya nakaharap sa camera.
Sa tuwing kausap ng mga kaibigan ang aktor, gusto nila na sumigaw ng “cut!” kapag umaakting na ang aktor habang nagkukuwento ito tungkol sa mga showbiz experience niya.
Kaya kesa maimbyerna at masira ang araw nila, iniiwasan na ang aktor ng kanyang friends na biktima ng mga kayabangan at kaartehan niya.
Alden kahawig ni Tirso
Nag-rejoice ang fans ng Guy (Nora Aunor) & Pip (Tirso Cruz III) dahil sa panggagaya nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza sa kanilang mga idol sa Gaya-Gaya Pa More ng Eat Bulaga noong Sabado.
May-I-remember ng fans nina Nora at Tirso ang nakaraan nang kantahin ng AlDub ang mga hit song ng pinakasikat na loveteam noong ‘70s.
Kahit hindi believable, may mga nag-comment na malaki raw ang resemblance ng AlDub sa Guy & Pip.
Revelation si Maine sa impersonation niya kay Nora dahil kuhang-kuha niya ang mga kilos at facial expression ng beteranang aktres. Habang tumatagal, humuhusay sa pagpapatawa si Maine dahil nagiging komportable na siya sa harap ng kamera at lumalabas na ang kanyang tunay na karakter.
Napansin naman ni Senator Tito Sotto na may hawig si Alden kay Tirso noong kabataan nito.
Wang Fam hindi takot sa Hunger Games
Holiday sa November 18 at 19 dahil sa APEC Summit na magaganap sa ating bansa.
Swak na swak sa holiday ang Wang Fam dahil sa November 18 ang playdate nito sa mga sinehan.
Hindi nagkamali ang Viva Films bosses sa playdate na pinili nila dahil may libreng oras ang mga Pinoy para panoorin ang Wang Fam.
Hindi natakot ang Viva Films na tapatan ang Part 2 ng Hunger Games: Mockingjay dahil ibang-iba ito sa Wang Fam.
Confident ang mga bossing ng Viva Films na marami ang manonood ng Wang Fam dahil sa panahon ngayon na sangkaterba ang mga problema sa bayan natin, mas gusto ng mga Pinoy ang maaliw at humalakhak na maibibigay nang buong-buo ng Wang Fam.
Kapag naging successful ang Wang Fam, plano ng Viva Films at ng direktor na si Wenn Deramas na gumawa ng Part 2 at Part 3. Parang Hunger Games lang ang magagandang plano nila sa pelikula nina Benjie Paras, Pokwang, Andre Paras, at Yassi Pressman.
Gov. Vi siguradong mami-miss ang mga taga-Kapitolyo
Nagkaroon si Batangas Governor Vilma Santos-Recto ng dinner para sa kanyang close friends noong Saturday night.
Ilan sa mga nakisaya kay Mama Vi sina AiAi Delas Alas, Arnell Ignacio, at Chito Roño na certified Vilmanians.
Nag-celebrate din si Mama Vi ng kanyang last birthday bilang gobernador ng Batangas province, kapiling ang mga empleyado ng Batangas City Capitol. Siguradong mami-miss si Mama Vi ng mga empleyado ng Batangas Capitol dahil matagal ang kanilang pinagsamahan.