Sa December 4 pa ang From The Top concert ni Sarah Geronimo sa Araneta Coliseum, pero ngayon pa lamang ay wala nang mabiling ticket kaya nagpasya ang Viva na dagdagan pa ang isang gabi ng pagtatanghal ng pop royalty.
Pang-walong konsyerto na ito ni Sarah, pero sa malas ay hindi siya pinagsasawaan ng kanyang mga manonood. At kahit na mayro’n nang naka-sked na second night, wala pa ring napipili para maging guest si Sarah.
Bilang paghahanda, panay ang workout ni Sarah. Kung hindi ay talagang kakapusin siya ng lakas para tapusin ang mahigit sa dalawang oras na pagkanta, pagsasayaw, at pagsasalita. Pero gusto mang kayaning mag-isa ni Sarah ang konsyerto, kailangan niya ng suporta maski man lamang sa pagpapalit-palit ng costume na gagawin niya.
Sa isang interview ay nagawa niyang lusutan ang pangungulit ng press na dumako sa personal niyang buhay. O baka naman pinalusot na lang siya ng press para ma-maintain ang masayang atmosphere ng interview?
Banana Split tuwing Linggo na
About time talagang ilagay sa pang-umagang slot ang programang Banana Split Extra Scoop na napapanood sa gabing-gabing time slot at pitong taon nang namamayagpag sa ere. Nagpasya ang ABS-CBN na ilagay ito sa daytime programming para ma-enjoy ito maging ng maraming kabataan. Hindi naman ganun kalaki ang gagawing adjustment ng mga nasa likod ng gag show. Konting bawas lang sa paseksi ng programa at kapilyuhan ng mga joke at aarangkada na ang may bagong titulong Banana Sundae at may karagdagang artista sa line-up - si Pokwang na dati nang kasama, pero nawala nang maging abala at Jessy Mendiola na susubukan ang kakayahang magpatawa. Sasamahan ng dalawa sina Angelica Panganiban, Jayson Gainza, Pooh, John Prats, Badjie Mortiz, Aiko Climaco, Sunshine Garcia, Ryan Bang, at JC de Vera.
Mapapanood ang Banana Sundae pagkatapos ng ASAP. Ang mga segment na dadalhin nito from the previous program ay ang Make Me Rap, Kantaranta, Baby Love, at marami pang games.
Hindi pa rin alam kung makakatapat ito ng programa ni Willie Revillame sa kabilang istasyon. Pero ani direk Bobot Mortiz, kapag talagang nagkatapat ang programa nila sa programa sa kabila, “Wala itong personalan, trabaho lang.”
Kim at Enchong makakauna sa bagong Kia Theater
Tuloy na ang Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club (PMPC) sa Martes, Nob. 10, 8 NG, sa Kia Theater sa Araneta Center, Cubao, Q.C.
Magsisilbing host ng awards night na gagawing mala-konsyerto ang event na bwena manong palabas ng dating New Frontier Theater sina Kim Chiu at Enchong Dee. Si Tom Taus ang magsisilbing DJ host.
Ang Star Awards for Music ay prodyus ng Airtime Marketing ni Tessie Celestino-Howard at nasa direksyon ni Bert de Leon ay magkakaloob ng dalawang lifetime achievement awards, ang isa ay ang Pilita Corrales Lifetime Achievement Award na tatanggapin ni Rey Valera at ang isa pa ay ang Parangal Levi Celerio na maiuuwi ni Ogie Alcasid.
Pinakatampok na parangal ay mapupunta sa pinakamagandang kanta na ginawa at tinangkilik ng mga tagapakinig. Magmumula ito sa pitong nominado for Best Song: Akin Ka Lang-Morisette Amon; Ikaw-Yeng Constantino; Mahal Ka o Mahal Ako-KZ Tandingan; Mananatili-Sheryl Cruz; Mr. Right-Kim Chiu; Pare, Mahal Mo Raw Ako-Michael Pangilinan; Simpleng Tulad Ko-Daniel Padilla.
Magiging performer sa event sina Kyla, Christian Bautista, Matteo Guidicelli, Gloc 9, The Dawn, Morissette Amon, Darren Espanto, Kylie Padilla, Aicelle Santos, Jonalyn Viray, Jason Dy, Sheryl Cruz, Michael Pangilinan, Kean Cipriano, Eunice, Hannah Nolasco, at Mark Mabasa.
Direk Louie naka-jackpot sa unang indie
Iisang indie film pa lamang ang nagagawa ni Louie Ignacio, direktor ng maraming palabas sa TV ng GMA, pero agad-agad ay nanalo siya ng award tulad ng napanalunan niya sa International Film Festival Manhattan na ginanap sa New York nung buwan ng Oktubre.
“God is so good at speechless ako sa stage when I received the award, nakakatuwa!!! Sana suportahan nating mga Pilipino ang indie films! The feeling is so overwhelming!!!
“Aside from the SRO crowd, ang daming positive reactions and comments from different filmmakers around the world. Tapos ‘yung mga Pinoy in New York nalaman nila na may Taong Putik Festival pala sa Nueva Ecija, ‘di ba nakakatuwa sobra!! Sabi ko, ok na kung ‘di manalo sa Best Director, at least malakas na palakpak and very good comments naman ang balik!” said Direk Louie. Aiko Melendez also won her second international Best Actress Award sa Asintado.