Carla at Tom ilang beses naghalikan sa harap nina AiAi at Lolit

PIK: Hindi napigilan ni Arnel Pineda na matawa nang tinanong uli namin tungkol sa pagpabebe wave niya nung nag-judge siya sa It’s Showtime.

 “Nag-apologize na naman ako. Hindi ko naman sinasadya,” pakli ng Journey vocalist nang naka­tsikahan namin sa presscon ng Voice of the Nightingale concert ni Lani Misalucha.

 “Phenomenal talaga ang AlDub eh. Kita mo na-pick up na sa ibang bansa eh,” sabi pa nito na aminadong iba talaga ang lakas ngayon ng AlDub.

Hindi malayong mangyaring sa nalalapit nilang concert nila ni Lani sa December 4 at 5 ay mag-pabebe wave uli siya.

PAK: Hindi kayang ikuwento ng magaling na aktres kung ano ang ginawa sa kanya ng aktor na naka-partner niya sa isang pelikula.

Umani ng parangal at papuri sa ibang bansa ang pelikulang ginawa nila at kahit dito ay pinuri rin. Pero nakakagulat kung gaano sila ka-daring sa mga eksenang ginawa nila.

Pero hinding-hindi makakalimutan ni aktres kung paano raw siya bastusin ng aktor na kasama niya sa pelikula.

Pinilit namin siyang ikuwento ito, pero tumatanggi siya. Ayaw na raw niyang balikan pa. Ayaw na rin niyang makita pa uli itong aktor, lalo na’t ayaw na niya itong makatrabaho.

BOOM: Napakilig nina AiAi delas Alas at Lolit Solis ang fans nina Tom Rodriguez at Carla Abellana nang mag-guest sila sa CelebriTV.

Nag-promote ang dalawa para sa pelikula nilang No Boyfriend Since Birth na magsu-showing na sa November 11.

Wala silang inaming sila na, pero naghalikan silang dalawa dahil sa katutukso ni AiAi.

Hindi magkamayaw ang mga fans sa katitili sa studio dahil ang cute naman nilang tingnan. Pinaulit pa ito ni AiAi, at ginawa naman uli ni Tom.

Abangan n’yo ito sa CelebriTV bukas.

Sabi naman ng Kapuso actor, hindi na sila kailangang tanungin pa dahil nakikita naman sa kanilang dalawa.

Sabi naman ng ilang taong malapit sa kanila, baka pagkatapos ng showing ng kanilang pelikula ay aamin na raw silang dalawa.

Show comments