Sosyal ang aktor na binayaran ng kalahating milyon piso para sa sandaling performance.
Richie rich ang businessman na kumuha sa serbisyo ng aktor dahil makakatulong ito sa kanyang negosyo kaya hindi siya tumawad, kahit sinabi ng manager ng talent na may additional payment kapag lumampas sa oras ang show.
Hindi binarat ng businessman ang talent fee ng aktor dahil sikat ito at malakas ang hatak sa masa. Correct na correct ang gut feel ng businessman dahil dinumog ng fans ang aktor nang umakyat ito sa stage.
Sarah nadagdagan ang good vibes
Blooming si Sarah Geronimo nang umapir siya kahapon sa presscon ng From The Top, ang concert niya sa Smart Araneta Coliseum sa December 4.
Malaki ang kinalaman ng lovelife ni Sarah sa kanyang blooming beauty at good vibes. Iba talaga kapag in love ang isang tao dahil ayon nga sa singer na si Sitti na nagpakasal noong May, mas may kabuluhan ngayon ang kanyang buhay mula nang mag-asawa siya.
Huling laban ni Pacman inuungot na gawin naman sa ‘Pinas
Hindi nag-iisa si Congressman Manny Pacquiao sa wish nito na idaos sa Pilipinas ang huling boxing fight niya sa April 2016.
Hoping din ang fans ng Pambansang Kamao na magaganap sa Pilipinas ang kanyang last hurrah para makapanood sila at maranasan nila ang excitement na nararamdaman ng mga nagpupunta sa Las Vegas sa tuwing may laban si Papa Manny.
Handa nang magretiro si Papa Manny sa boxing kaya may possibility na pagbigyan ang kanyang request. Sayang naman ang pagiging boxing superstar niya kung dededmahin ang wish niya na maganap sa Pilipinas ang kanyang last fight.
Hindi na problema ang lugar na puwedeng pagdausan ng huling laban ni Papa Manny dahil nandiyan ang 55,000-seater na Philippine Arena.
Kung umapaw sa tao ang Philippine Arena sa premiere night ng Felix Manalo noong October 4 at walang bakanteng silya sa Tamang Panahon show ng Eat Bulaga noong October 24, walang dahilan para hindi mapuno ni Papa Manny ng audience ang world’s largest indoor arena sa kanyang retirement game.
Ibang mga pumapasok sa NAIA, kamangmangan ang pinaiiral
Araw-araw na headline ng mga diyaryo, radyo at news program sa TV ang mga insidente ng tanim-bala sa Ninoy Aquino International Airport pero marami pa rin ang nahuhuli na may bitbit na bala sa kanilang mga bagahe.
It’s either hindi nagbabasa ng mga diyaryo at nanonood ng TV ang mga biktima o kung may sindikato man sa NAIA, naimbyerna sila kaya lalong naging aktibo sa kanilang illegal activities.
Kadalasan, umiiral din ang kamangmangan sa mga pumapasok sa NAIA tulad ng misis na nagpainterbyu sa isang television news program na ipinagmalaki pa na agimat at proteksyon niya ang bala na nakuha sa kanyang pag-iingat dahil sinasaniban siya ng espiritu ng ibang tao.
Kaloka ang kanyang katwiran ‘di ba?
Hindi nga siya sinasaniban ng kung anumang espiritu na kanyang sinasabi pero may court case naman siya dahil sa pahamak na bala na bitbit niya, alin ngayon ang mas nakaka-trauma?
Hindi ko talaga ma-take ang pralala ng ibang mga tao na agimat nila ang mga bala. Agimat saan? Nakakamatay ang bala ‘no? May nabalitaan ba kayo na bala na nakabuhay?