Aktor na binakuran ng asawang feelingera, lumaylay ang career

May mga hindi kagandahang karanasan at alaala ang ilang nakatrabaho ng isang hindi na kabataang aktor na napansin-nakilala nang magbida siya sa isang teleserye.

Maraming sumubaybay sa palabas na siya ang bumibida, dumami ang kanyang mga tagasuporta, pamilyado na ang nasabing aktor. Pero hindi naging hadlang ‘yun para mahalin pa rin siya ng publiko.

Ramdam na ramdam nu’n ang popularidad ng aktor, kahit hindi naman siya kumakanta ay tinitilian siya sa iba’t ibang okasyon kapag nasa entablado na, du’n siguro naisip ng kanyang misis na sikat na sikat na nga siya.

Kuwento ng aming source, “Walang problema kay ____(pangalan ng hindi na batang aktor), medyo ‘yung misis ang may something. Akala siguro niya, e, talagang sikat na sikat na ang husband niya dahil tinitilian kahit saan sila magpunta.

“Du’n na siya nagsimulang sumama-sama sa halos lahat ng lakad ng mister niya. Talagang nakabantay siya. Gusto siguro niyang namnamin na siya ang wife ng lalaking ‘yun na tinitilian ng mga fans!

“Gusto naman siguro niyang iparamdam sa sarili niya na ang suwerte-suwerte niya!” komento ng aming impormante habang nakataas ang kilay sa tenth floor.

Nagtagal din ‘yun. Pero pana-panahon lang ang popularidad. Nang magtagal-tagal na, kahit ibilao na nito ang kanyang mister ay hindi na gaanong pinapansin, lipas na ang kanyang panahon.

“Hindi na sumasama sa husband niya si misis, wala nang bantay si mister, ramdam na kasi ng girl na napakanormal na ng kanilang kapaligiran. Tapos na ang pagiging insecure ng wife ng aktor,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alden kinaawaan at iniyakan ni Sen. Loi

Nasa Amerika ngayon ang mag-inang Senadora Loi Estrada at Col. Jude, umalis sila nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi, dalawang araw bago ginanap ang Tamang Panahon sa Philippine Arena.

Kuwento ng bunsong Estrada ay ayaw pa sanang umalis ng kanyang mommy, “Gusto pa yatang manood ng mommy ko sa Philippine Arena! Ayaw pa niyang umalis, sa Sunday na lang daw!” tawa nang tawang kuwento ni Col. Jude.

Ang wallpaper at screensaver ng dating senadora ay picture ni Alden Richards. Ewan, sabi ni Tita Loi, kahit naman kailan ay wala siyang paboritong artista. Lahat ay gusto niya, parang pamilya na sila ng mga kaibigan ng kanilang angkan, ngayon lang talaga siya humanga sa isang aktor.

Sabi ni Col. Jude, “Kasi raw, e, naaawa siya kay Alden dahil wala nang nanay. Nu’ng napanood nga ng mommy ko na umiiyak si Alden habang kumakanta ng God Gave Me You, ang sabi niya sa amin, e, nalulungkot daw siguro si Alden dahil hindi na nakita ng mommy niya ang kasikatan niya ngayon.

“Umiiyak din ang mommy ko habang umiiyak si Alden. Sabi ko nga, e, iba ang puso ng nanay, nakaka-relate, kaya naging paborito niya si Alden,” mahabang kuwento ni Col. Jude tungkol sa kanyang ina.

Nu’ng tutukan na ng mga camera ng Eat…Bulaga si Alden habang paakyat ng lobby ng Philippine Arena na may dala-dalang bulaklak para kay Yaya Dub ay tiningnan namin ang reaksiyon ng kanyang ama na nakaupo sa harapan ng entablado.

Nakatakip ang magkabilang kamay ni Mr. Faulkerson sa kanyang bibig, pigil na pigil ang pagluha, dahil napakasuwerte nga naman ni Alden sa kasikatang tinatamasa ngayon ng aktor.

At siguradong pareho ang damdamin ng mag-ama nu’ng mga panahong ‘yun. Kung nabubuhay lang sana ang dakilang ina ni Alden Richards.

Show comments