Alden in love na agad!

Muling nakagpatala ng record ang Eat Bulaga at ang AlDub nina Alden Richards at Maine Mendoza nang mapuno ang pinakamalaking enclosed venue sa buong mundo, ang Philippine Arena.

Nagmistulang parang dagat ang loob ng arena sa kapal ng tao na karamihan ay tila madaling-araw pa naroon sa labas ng venue para makaiwas sa traffic at agad makapasok sa pagbubukas ng mga gate. Nakakakilabot ang dami ng tao na animo’y mga langgam.

Napaka-organized ng pagpapalabas ng Eat Bulaga: Tamang Panahon sa tulong na rin ng mga friendly security guards and marshals na nakatalaga sa loob at labas ng Philippine Arena.

Walang siksikan at walang tulakang nangyari at ang maganda pa, disiplinado ang mga taong dumalo at nanood.

Natutuwa kami na personal naming nasaksihan ang pag-unfold ng bagong ka­say­sayan sa larangan ng entertainment at telebisyon dahil kakaibang karanasan ito lalupa’t first time rin naming nakapasok ng Philippine Arena.

Ang pandemonium ng AlDubbers sa loob ng Philippine Arena ay napaka-intense laluna nang mag­harap na sina Alden at Maine (Yaya Dub).

Kitang-kita kay Alden ang pagkasabik nito sa kanyang ka-loveteam na si Maine kaya hindi nito napigilan ang ilang beses na mahigpit na pagyakap sa ka-partner. Hindi rin napigilan ni Alden ang ma­ging emotional kaya hindi nito napigilan ang umiyak habang kayakap si Maine.

Napaka-sincere at genuine ng ipinakitang emos­yon ni Alden sa kanyang kapareha at ito’y ramdam din ng mga taong personal na nakasaksi sa muling pagtatagpo ng dalawa na wala nang hadlang (Lola Nidora na ginagampanan ni Wally Bayola) kaya hindi rin naiwasan ng mga tao sa loob ng arena na mapaiyak.

Kapansin-pansin din kay Alden ang pagiging emotional sa tuwing ito’y sobrang natutuwa sa mga nangyayari sa kanyang buhay at karera.

Bukod sa yakap, panay din ang hawak ng kamay ni Alden kay Maine na lalong ikinakilig ng AlDub Nation.

Ngayong wala nang hadlang sa dalawa, tiyak na magpapalitan na ng mobile numbers ang mga ito at tiyak na magkakatawagan at magiging textmates na ang magka-loveteam lalupa’t may movie silang ginagawa, ang My Bebe Love (#Kilig­PaMore). Ang nasabing pelikula ay pinagsasamahan nina Vic Sotto at AiAi delas Alas mula sa direksiyon ni Joey Javier Reyes.

Naipakita na rin ang teaser ng My Bebe Love (#Kilig­PaMore) at ganoon na lamang ang sigawan ng au­dience.

This early ay marami na ang nagpi-predict na ang My Bebe Love umano ang mangunguna sa takilya sa darating na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Natutuwa rin ang writer-director-professor na si Joey Javier Reyes na siya ang nakapag-direk sa kauna-unahang pelikula ng AlDub.

Samantala, kung ipu-pursue ni Alden ang kanyang interes sa kanyang ka-loveteam na si Maine (Yaya Dub), hindi na siguro siya mahihirapan laluna sa family ni Maine na sa palagay namin ay botong-boto sa kanya (Alden) dahil na rin sa pagiging mabait at magalang ng Kapuso actor.

Show comments