Madiwara. Makulit. Sobrang ozy. Perfectionist. Ganu’n kung ilarawan ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho ang isang sikat na male performer.
Kahit sa mga kantang pinasikat niya ay wala kang mararamdamang mali, makinis na makinis ang kanyang boses, walang tonong lumiliko sa kung saan-saan.
?“Konting kabyos lang na maramdaman niya, uulitin niya ang pagre-record, kesehodang abutin pa sila nang siyam-siyam ng recording engineer niya, e, wala siyang pakialam. Kailangang lumabas na perfect ang kanta.
?“Ganu’n siya ka-pefectionist, hindi niya dinadaya ang mga sumusuporta sa kanya. Dobleng effort talaga ang ibinibigay niya,” papuri sa male performer ng isang source.
?Masipag sa bahay ang male singer, wala siyang nasasayang na panahon kapag wala siyang engagement, habang nagtatrabaho siya ay tulog na tulog naman ang kanyang misis.
?“Magkaibang-magkaiba silang mag-asawa. Dapat, ang babae ang masinop sa bahay nila, di ba? Pero baligtad. Ang lalaki ang ikot nang ikot sa bahay nila para tingnan kung may mga kagamitan silang kailangang iayos.
?“Lalabas na lang ng house nila si ____(pangalan ng male singer), kapag may nakita siyang photo frame na medyo nakatagilid, aayusin pa muna niya ‘yun. Ganu’n siya ka-perfectionist.
?“E, ang girl, walang pakialam! E, ano ba kung nakataob pa ang picture frame, ano’ng keber niya? Napakalaki ng pagkakaiba nila. Isa siguro ‘yun sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay rin sila,” kuwento pa ng aming impormante.
?Hanggang ngayon ay madiwara pa rin ang male singer. Perfectionist pa rin siya. Ilang chords lang ng gitara na medyo lihis sa tono ay ramdam na ramdam niya. Kaya naman hanggang ngayon ay nand’yan pa rin siya, mabentang-mabenta pa rin, mahal niya kasi ang kanyang trabaho.
?Ubos!
April Boy tuloy ang raket kahit halos mabubulag na
Sa kabila ng kanyang pinagdadaanan ngayon ay masaya pa rin si April “Boy” Regino dahil patuloy ang tiwalang ibinibigay sa kanya ng mga show promoters dito at sa iba-ibang bansa man.
?Ibang-iba talaga ang mga singers na may iniiwanang klasikong piyesa sa publiko. Alam kantahin ng mga kababayan natin ang kanyang mga kanta, nasasabayan kahit ng mga musmos na wala pang kamalayan sa sintunado at hindi, may kapansanan man ngayon ang Jukebox King ay hindi pa rin siya nakakalimutang kunin ng mga promoters para dalhin sa malalayong lugar.
?Kuwento ni Madel, ang kanyang misis, “Kapag may kumukuha po kay April, sinasabi ko na agad ang sitwasyon niya ngayon. Halos hindi na nakakakita ang magkabila niyang mata, baka mahirapan na siyang gumalaw sa stage.
?“Pero nakakatuwa po ang isinasagot nila. Okey lang daw kahit maupo na lang siya, dahil ang boses at mga kanta niya naman ang hinihiling ng mga tao sa lugar nila,” nangingiyak-ngiyak na kuwento ng misis ng Idol Ng Bayan.
?Walang nagbabago sa istilo ni April “Boy” Regino kapag sumasalang na siya sa entablado. Naghahagis muna siya ng mga CD, poster at ng makasaysayan niyang sombrero.
?Ang pagkakaiba lang ngayon ay meron na siyang kasamang PA sa stage na umaalalay sa kanya, talagang halos wala na kasi siyang nakikita, ito ang umaakay sa kanya papunta sa gitna kapag gumigilid na siya sa entablado.
?“Napakabait po ng Diyos, paningin lang ang nawala sa kanya, pero ang regalong boses sa kanya, nandito pa rin. Napakarami pa rin po niyang dapat ipagpasalamat sa kabila ng sitwasyon niya ngayon.
?“At masaya po kaming mag-iina dahil nakikita namin na bumabalik na uli ang tiwala ni April sa sarili niya. Hindi na siya masyadong umiiyak at nagtatanong sa Diyos kung bakit siya nagkaganito.
?“Positive na po siya palagi, ‘yun ang palagi kong ipinagdarasal, saka ang song niyang Tanging Hiling, maganda na po ang sales, saka nasa Top 14 na ngayon sa iTunes,” pasasalamat pa ng misis ni April “Boy” Regino.