Hindi madaling pagsama-samahin ang tatlong pinakasikat na loveteams ng Kapamilya Network sa kanilang Christmas Station ID. Pare-parehong may mga trabaho ang KathNiel, JaDine, at LizQuen. Gustuhin man nilang tumanggi ay hindi nila magagawa dahil utos ito mula sa itaas ng network na kanilang pinaglilingkuran.
Wala namang pagtutol na nagmumula sa tatlong pareha nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo, James Reid at Nadine Lustre at Liza Soberano at Enrique Gil dahil maganda ang layunin ng kanilang network.
Hindi lamang sa Christmas ID ng ABS-CBN mapapanood ang tatlong tandem. Magkakasama rin sila sa isang Christmas Album na magsisilbi ring regalo ng network sa kanilang televiewers at fans ng tatlong loveteams.
Bago ang Station ID at Christmas Album, nauna nang ilagay ang tatlong pareha sa iisang stage ng It’s Showtime at ASAP kung saan nagkakaisa ang kanilang fans sa pagsuporta.
Kanegahan ni Vice Ganda binura
Kahit bina-bash si Vice Ganda sa social media, binawi namang lahat ito ng papuring ipinagkaloob sa kanya ng baguhang komedyante na si Bangki, isa sa anim na hurado para sa isang segment ng It’s Showtime. Kasama ni Vice Ganda sina Jugs at Teddy sa grupo na naghanda ng isang natatanging palabas. Ilang beses na silang nagtatangkang magwagi pero nauuwi ito sa pagkatalo. Tuwing matatapos ng performance ng grupo ay nagbibigay ng kanilang score ang mga judges at isa si Vice sa pinapurihan nila nang husto dahil sa magandang pagkaka-execute nila ng kanilang production number.
Bukod sa pagbibigay ng kanyang score ni Bangki ay malabis na pinapurihan niya si Vice dahil sa angking talento nito at pagiging mapagkumbaba. Binura ng comment niya ang lahat ng negatibong mga sinasabi kay Vice sa Internet.
EB may palibreng sasakyan sa Tamang Panahon
Talagang pinadali ng TAPE, Inc. at APT Entertainment ang pagpunta ng mga manonood sa Philippine Arena para sa Tamang Panahon show na pangungunahan ng tandem nina Alden Richards at Maine Mendoza aka Yaya Dub ngayong Sabado para sa isang worthy cause tulad ng pagtatayo ng school libraries sa mga public school na mapakikinabangan ng maraming mag-aaral.
Kaya sa murang halaga lang ibinenta ang mga tiket ay baka para makagawa sila ng record sa Guinness.
May mga libreng masasakyan sa venue, bagay na ginawa ng Eat Bulaga para madaling makapunta ang mga balak manood sa nasabing show.
Dawn ng PBB hindi na maganda ang ipinakikita sa Bahay ni Kuya
Akala ko ay ako lang ang may hindi magandang opinyon sa isa sa natitirang limang housemate ng PBB (Pinoy Big Brother) 737. Sa isang umpukan ng entertainment writers na tahimik na naghihintay sa presscon ng You’re My Home ay marami ang nagkakaisa na hindi maganda ang ipinakikita ng magaling na dancer na si Dawn Chang.
Kung nagawa niyang mapatalsik ang isang housemate na inakusahan niyang sinamantala siya, ngayon ay parang magagawa niyang mapatalsik din ang housemate na si Tommy na inakusahan niyang ginagamit si Miho.
Sa sobrang disappointment ni Zeus sa mga kaganapan sa loob ay gusto nang mag-voluntary exit nito, pero hindi pumayag si Big Brother kaya inatasan niya si Dawn na pigilan ito. Obvious kung sino ang nararapat na bumuo ng Big 4 sa mga ordinaryong housemates at alam na ng mga manonood kung sino sa kanila ang hindi karapat-dapat.
Serye nina Dawn at Richard makakaere na rin sa wakas
Masaya ang buong cast ng You’re My Home dahil finally ay maipalalabas na ang serye na nagtatampok sa CharDawn loveteam nina Dawn Zulueta at Richard Gomez at kasama pa rin sina Jessy Mendiola, JC de Vera, Lara Quigaman, Jobelle Salvador, Assunta de Rossi, Sam Concepcion, at Paul Salas. Matagal nang gawa ang serye, pero hindi agad nahanapan ng schedule.
Palabas na ang You’re My Home mula sa direksyon ni Jerry Lopez Sineneng sa ABS-CBN sa November 9 sa Primetime Bida.