Isang gabi, habang pautay-utay ang bagsak ng ulan, ay nakatuwaang balikan ng isang grupong binubuo ng mga taga-showbiz na matagal na sa kanilang hanay ang mga anekdota tungkol sa isang kilalang-kilalang babaeng personalidad.
Palibhasa’y sikat na sikat siya noon, natural lang na nami-miss niya ang napakasimple at normal niyang buhay nu’ng hindi pa siya nag-aartista, gusto niyang magpakatotoo.
Pauwi na siya nu’n sa kanyang pinagmulang probinsiya, sangkatutak na kaibigan at malalapit na tagahanga ang kasama niya sa biyahe, tatlong malalaking sasakyan sila.
Tinawag ng kalikasan ang pamosong aktres, maghahanap sana sila ng gasolinahang mapagdyinggelan niya, pero sa kanya mismo nanggaling ang isang hamon.
“Kaya kong umihi sa mismong gitna ng kalye. Huwag na kayong mag-abala pang maghanap ng gas station, bakit, hindi ba kayo naniniwala na kaya kong umihi ngayon sa mismong highway na ito?” sabi ng kilalang-kilalang aktres.
Pero meron siyang pakiusap sa kanilang driver, “Huwag mo lang akong iilawan, kasi, paharap akong dyidyinggel, kesehodang may dumaan pang bus d’yan!”
“Pinatay ng driver ang mga ilaw, pero dahil maliwanag ang sikat ng buwan, makikita mo pa rin siya habang nakaupo at umiihi. Mabuti na lang at walang dumaang sasakyan, kaya hanggang sa matapos siya, walang naging problema,” kuwento ng isang source sa umpukan.
Nakakita siya ng isang maliit na tindahan na nagluluto ng mga kakanin. Bumaba silang lahat para magmeryenda. Halos mamatay na sila sa busog pero maliit lang ang inabot na halaga ng kanilang kinain.
Nakakita ang sikat na aktres ng isang matandang babae na umuubo sa isang sulok. Nakatungkod na ito, hindi na halos makakita, inabutan niya ng pera ang matanda.
Kuwento ng aming source, “Sabi sa kanya ng matanda nu’ng ibuka niya ang palad para sa ibinibigay niyang pera, ‘Alam mo, sa paghawak ko pa lang sa kamay mo, ramdam ko na magiging napakatagumpay mo. Hindi ka mamamatay na mahirap. Mas mataas pa sa tungkod na ito ang magiging tagumpay mo.’
“Sabi ng tindera, pinakasikat palang manghuhula sa lugar na ‘yun ang matandang babae. Dinadayo pa nga raw ng mga milyonaryo at mga pulitiko ang matanda.
“Totoo ang sinabi ng matanda, sumikat nga si ____(pangalan ng kilalang-kilalang aktres) nang todo-todo, naging ____star siya,” kinikilabutang kuwento pa ng aming impormante.
Ubos!
Alden matagal nagtiis bago yumaman
Nakakalula pala ang halaga ng talent fee nina Alden Richards at Maine Mendoza sa kanilang mga TVC (TV commercial). Puro malalaking kumpanya ang kumukuha sa kanilang serbisyo, may multi-national pa nga, kaya hindi na nakapagtataka kung bakit may nabiling bahay sa Nuvali (Sta. Rosa) si Alden at maginhawa na rin siyang nagbibiyahe ngayon dahil sa bagung-bago niyang Road Trek.
Ang suwerte talaga, kapag para sa iyo, ay gagawa at gagawa ng paraan para mapasakamay mo. Mahabang panahon din ang ipinaghintay ng binata, pero walang reklamong narinig mula sa kanya, nanatiling masikap si Alden sa paghihintay sa kanyang panahon.
At kakambal na ng karera niya ngayon ang tamang pagkakataon. Sa napakaigsing panahon ay niyakap siya ng publiko, kinakiligan at minahal ng ating mga kababayan ang loveteam nila ni Yaya Dub, siya na ang itinuturing na pinakasikat na young actor ngayon.
Ihinatid si Alden Richards sa matinding tagumpay ng kanyang magandang imahe. Ng pagiging masikap at mapagkumbaba niya. Lahat ay maligaya sa magandang suwerteng dumating sa kanyang karera.
Sayang lang talaga dahil nang dumating sa kanya ang napakagandang suwerteng ito ay hindi na masasaksihan ng kanyang ina ang katuparan ng isang pangarap.
Pero ganu’n talaga. Hindi ibinibigay ng Diyos ang lahat-lahat sa isang tao lang.