MANILA, Philippines - Ngayong Biyernes sa Biyahe ni Drew, nature tripping at food-venture ang nasa itinerary ni Drew Arellano. Pero hindi siya masyadong lalayo sa Maynila dahil ang destinasyon niya ay ang Rizal Province!
Isa ang Rizal sa pinakamalalapit na probinsiya sa Metro Manila. Sa layong 16 kilometers, dalawa hanggang tatlong oras lang ang biyahe, depende sa traffic.
Sa San Mateo, madalas magbisikleta ang beteranong biyahero na si Drew. Kaya naman gaya ng ibang riders, kabisado na niya ang halos lahat ng bike trail dito. Unang pupuntahan ni Drew ang tinaguriang The Wall sa San Mateo. Ito raw ang isa sa pinakamahirap na bike trail sa probinsiya. At para naman sa off road trail routes, nariyan ang Sandugo Trails.
Sa Tanay, bibisitahin ni Drew ang Daranak Falls. Nasa 50 pesos lang ang entrance fee rito at marami ring kubo na pwedeng rentahan. Pero umiwas daw sa weekend trips dahil siguradong maraming tao!
Papasukin din ni Drew ang Calinawan Cave. For only 20 pesos, masisilip niya ang iba’t ibang rock formation na tanging kalikasan lang ang humubog. At bago niya iwan ang Tanay, maglalakad siya ng 2.3 kilometers para marating ang Daraitan River na isa sa pinakamagagandang ilog sa bansa.
Para sa mga naghahanap lang ng lugar kung saan pwedeng mag-unwind, rekomendado ni Drew ang sentro ng probinsiya, ang Antipolo. From 512 feet elevation, makikita ang 360-degree view ng buong Maynila on a very clear day. Para bang nasa ulap!
For a quick bite, paboritong puntahan ni Drew ang Balaw-Balaw Restaurant sa Angono. Pero kahit kilala dahil sa kanilang exotic food, meron ding Pinoy favorites dito tulad ng ginataang kuhol at kanduli. And to cap a great meal, meron ding iba’t ibang luto ng klasik na turon gaya ng maple bacon, oreo at rocky road turon.
Sama na sa Biyahe ni Drew ngayong Biyernes, 8 ng gabi sa GMA News TV.