MANILA, Philippines - Ang mabuting dulot ng pagiging masipag at walang humpay na pagtitiyaga para matupad ang mga pangarap sa buhay ang mga aral na ipapakita ngayong linggo sa top-rating Kapamilya tanghali serye na Ningning sa pagtakbo ng kwento ng tatay ni Ningning (Jana Agoncillo) na si Dondon (Ketchup Eusebio).
Susubukin ni Dondon na mag-experiment gamit ang pagluto ng daing na ibinabad sa barbecue sauce matapos payuhan ni Lolo Kiko (Freddie Webb) na dapat hindi matakot makipagsapalaran sa larangan ng negosyo. Dahil masasarapan ang mga mag-anak ni Dondon sa experiment, ibebenta niya ito nang maramihan at tatawaging Daing Q sa tulong ni Lolo Kiko.
Sa una, maraming pagsubok ang pagdaraanan ni Dondon sa pagiging negosyante niya, ngunit sa huli ay magbubunga rin ang kanyang sipag at tiyaga.
Matapos namang maliwanagan si Otep (Vandolph Quizon) ni Lolo Kiko na dapat emotionally and financially ready bago magpakasal, magdedesisyon itong mag-propose kay Eva (Mercedes Cabral). Para mas maging espesyal at nakakatuwa ang wedding proposal ni Otep, tutulong ang mga chikiting na sina Ningning at Macmac (John Steven de Guzman) para makuha ng kanilang kuya Otep ang matamis na ‘oo’ ni Eva.
Paano kaya malulusutan ni Dondon ang mga pagsubok bilang bagong negosyante? Anong mga ideya sa surprise wedding proposal ang gagawin nina Ningning at Macmac? Abangan ngayong linggo sa Ningning, Lunes hanggang Biyernes bago mag It’s Showtime sa ABS-CBN.