Talagang palaban sa buhay ang isang female personality. Nagdesisyon siyang mag-asawa sa napakabatang edad, maraming nagpanggap na manghuhula nu’n, hindi raw sila magtatagal ng lalaking non-showbiz na pinili niyang pakasalan.
Pero mali ang lahat ng humula, hanggang ngayon kahit palagi silang kapos sa pinansiyal ay lumalaban sila nang magkahawak-kamay, matibay ang pundasyon ng kanilang pagsasama.
Kahit nu’ng bata pa ang female personality ay talagang palaban na siya. Mahihina ang loob ng kanyang mga kapatid, pero iba siya, sa meron at sa wala ay matatag ang loob niya.
Kuwento ng isang nakasaksi sa katapangan ng female personality, “Mga bata pa silang magkakapatid nu’n, alam mo nang siya ang pinakabuhay ang loob. Matiisin siya, mapagsakripisyo, para siyang kangkong na kahit saan mo itapon, tutubo siya.
“Walang-wala ang nararanasan niya ngayon sa mga pinagdaanan niya. Pumapasok siya sa school nang walang baon, nakikikain lang siya ng lunch sa mga kaklase niya, naglalakad siya papasok at pauwi.
“Kaya nasanay na siya sa hirap, kaya niyang lampasan ang mga kakapusan nilang mag-asawa ngayon, hindi siya mapaghanap. Marunong siyang makipaglaban sa buhay,” kuwento ng aming impormante.
Kahit anong raket lang basta legal ay hindi pinalalampas ng female personality. Ang kanyang mister naman ay kumikilos din kahit kulang na kulang ang kinikita nito para sa kanyang lumalaki nang pamilya.
Para sa kanyang pagtatapos ay sinabi pa ng aming impormante, “Wala na sa bokabularyo niya ngayon ang takot ako, e! Walang-wala na! Laban kung laban ang nasa utak niya, napakatapang talaga ng babaeng ‘yun!”
Ubos!
Dapat talagang simyentuhan ang puso, Sen. Grace pinupuruhan at tinututukan ng mga kalaban
Kailangang semyentuhan ni Senadora Grace Poe ang paligid ng kanyang puso ngayon dahil sa dami na ng nag-file ng asunto para sa kanyang disqualification sa pagtakbong pangulo sa darating na halalan.
Talagang siya ang pinupuruhan at tinututukan ngayon ng kanyang mga katunggali sa posisyon. Bakit nga naman hindi, siya ang palaging number one sa survey, mabangung-mabango ang kanyang imahe at meron na siyang napatunayan bilang senador.
Manginginig nga sa nerbiyos ang mga makakaagawan niya sa posisyon, idagdag pa na anak siya ng mga sikat na pigura sa lokal na aliwan, hindi maihihiwalay ang pangalan ni Senadora Grace Poe sa namayapang Action King na si Fernando Poe, Jr. at sa Reyna Ng Pelikulang Pilipino na si Ms. Susan Roces.
Maraming nagpapa-disqualify kay Senadora Grace, kung ano’ng motibo ng mga kumukuwisiyon sa kanyang pagiging tunay na Pilipino ay siguradong meron, kaya nga lang ay hindi pa lumulutang ngayon.
Pero mabilis bumasa ng motibo ang ating mga kababayan, mulat na mulat na ang mga botante ngayon, lagyan man ng piring ang kanilang mga mata at sumpalan man ang kanilang mga bibig ng pera ay susundin pa rin nila ang dikta ng kanilang puso.
Gasgas na linya, pero totoong-totoo, tanggapin ang pera kung kusang ibinibigay pero utak at puso pa rin ang mas pairalin sa pamimili ng kung sinong kandidato ang sa pakiramdam nati’y makapagbibigay ng pagbabago sa kahirapang dinaranas ngayon ng mas nakararaming Pinoy.
Sa tanong kung sinong kandidato ang magiging pinakaepektibong tagapamuno ng ating bayan sa darating na eleksiyon ay isang batang nakangiti ang sumagot, “Ako po.”