Matinding pasabog ang inihayag ni Lola Nidora (Wally Bayola) para sa AlDub Nation dahil magkakaroon ng pagkakataon na mapanood ng live ang pinakamainit ngayong loveteam - ang AlDub nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza na sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama sa pinakamalaking arena sa bansa (at maging sa buong mundo), ang Philippine Arena sa darating na October 24, araw ng Sabado.
Kung napuno ang Philippine Arena sa grand premiere ng Felix Manalo movie na pinagbidahan ni Dennis Trillo, kaya rin itong punuin ng libu-libong tagahanga ng AlDub sa darating na October 24. Ang kaibahan nga lamang ay kailangan nilang bumili ng tickets para makapasok sa Philippine Arena.
Ang kagandahan nito, hindi mapupunta sa Eat Bulaga ang kikitain sa araw ng October 24 kundi ito’y gagamitin sa pagpapagawa ng mga AlDub Libraries nationwide laluna sa mga rural at remote areas na kapos ng library at mga libro para sa mga mahihirap na estudyante.
Hagibis tuloy pa rin sa pagpapakita ng ‘legs’
Sina Sonny Parsons at Mike Respall na lamang ang orihinal na miyembro ng Hagibis, ang tinaguriang Village People of the Philippines nung late 70’s to early 80’s dahil nagkani-kanya na ang ibang miyembro, habang ang isa, si Bernie Fineza ay sumakabilang-buhay na noong nakaraang Enero.
Si Mon Picasso ay matagal nang nasa Amerika habang si Joji Garcia ay lumaki na ang katawan at malaki na umano ang tiyan at hindi na bagay sa grupo ng mga hunk. Ang dating limang miyembro ng mga hunk ay apat na lamang ngayon at ang dalawa ay mga bagong miyembro ng grupo na sina Carlos Nabiula at Pete Gatela.
Sa kabila nang paglipas ng mahigit tatlong dekada, patuloy pa rin ang Hagibis sa paghahatid ng saya hindi lamang sa Pilipinas kundi laluna sa ibang bansa na patuloy na sumusuporta sa awiting pinasikat ng grupo tulad ng Katawan, Legs, Lalake, Ilagay Mo, Kid, Nanggigigil, Bintana, Babae, Mama Monchang, Mandurugas, Iduduyan Kita, Maginoo at iba pa.
Ayon kay Sonny na siyang tumatayong leader ng Hagibis, nakatakda umano silang magkaroon ng young version ng Hagibis in their 20’s na siyang magpapatuloy sa grupo na sumikat nung 1979 at patuloy pa ring tinatangkilik hanggang ngayon.
“Kahit wala na kami rito sa mundong ibabaw, magpapatuloy ang Hagibis at ang mga awiting pinasikat ng grupo,” pahayag ni Sonny nang mag-guest ang grupo sa Walang Tulugan with the Master Showman ng GMA 7 kamakailan lamang.
Mara umaasang makasama
sa mga teleserye
Kahit sa indie movies nakikita si Mara Lopez, anak ng dating beauty queen-turned actress na si Maria Isabel Lopez, umasa ang young actress na mapapasama rin siya sa mga mainstream movies at maging sa iba’t ibang teleserye.
“If there’s one thing na namana ko kay Mommy ay `yung talent niya sa acting,” pag-amin pa ni Mara na naging panauhin naming ni Kuya Germs (Moreno) sa aming Celebrity Talk segment ng Walang Tulugan with the Master Showman.
Unknown to many, si Mara ay isang Surf champion (at age 11) na namana naman niya sa kanyang amang Hapon na si Hiroshi Yokohama, ang ex-husband ng kanyang inang si Maria Isabel Lopez.